November 18, 2024

BARYANG ROLLBACK SA PRESYO NG PETROLYO IPATUTUPAD NG OIL COMPANIES

MATAPOS magpataw ng halos dalawang pisong dagdag-presyo, baryang rollback naman ang kambyo ng mga kumpanya ng langis ngayong Martes.

Sa hiwalay na abiso, sinabi ng mga kompanya na 70 sentimos ang rollback sa presyo kada litro ng gasolina, habang 95 sentimos sa diesel at P1.10 sa kerosene.

Ipatutupad ng Shell at Seaoil ang rollback bukas ng alas-6:00 ng umaga.

Ayon of Department of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau, nakasandig sa galaw ng presyo sa pandaigdigang merkado ang halaga ng mga produktong petrolyo sa bansa – bukod pa sa agam-agam sa mas mataas na antas ng demand kesa sa supply ng mga bansang kasapi ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC).

Sa pagpasok ng taon, lumalabas na tumaas ng P6.15 ang presyo kada litro ng gasolina, P5.40 sa krudo at P1.50 naman sa kerosene na karaniwang gamit sa pagluluto ng pagkain. Batay sa price monitoring ng mga consumer groups sa Metro Manila, nasa P55.90 hanggang P79.95 ang bentahan kada litro ng gasolina. Naglalaro naman sa pagitan ng P54.35 hanggang P67.90 ang kada litro ng krudo. Pinakamahal naman ang kerosene na binebenta sa halagang P73.25 hanggang P83.88 kada litro.