December 24, 2024

Barriers up, tech upgrades, tumpak na timelines nais ni Gatchalian sa NLEX RFID Issue

Iminungkahi ni Mayor Rex Gatchalin ang konseptong “Barriers Up” sa mga toll plazas at pagsasagawa ng RFID sticker installation at loading/reloading sa expressway kapag tapos na ang toll plaza at system upgrades sa “solutions meeting and dialogue” sa pagitan ng Valenzuela City at North Luzon Expressway (NLEX) Corporation.

Inilahad din ng Pamahalaang Lungsod ang “best practices” nito kasama ang  paggamit sa kaalaman ng pribadong sektor, pagpapalakas ng pagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng pamumuhunan sa teknolohiya, at no contact apprehension (NCAP) program bilang patunay na ang mga planong umepekto sa lungsod ay maaari ring isagawa ng NLEX Corporation.

“Malaysia, which is in South East Asia, which is similarly situated almost economically to the Philippines, eh wala silang (they don’t have a) [toll] barrier… Does the Malaysian driving public deserve better than the Filipino driving public? And I dare say this, of course not. What they have, we should have in the Philippines,” ani Gatchalian.

Isinulong din ng alkalde ang technology upgrade para lutasin ang consumer rights issues ng pangungulekta ng bayad sa RFID.  Maliban dito ay nais din ng punong-lungsod na matapos ang upgrade sa Enero 2021 para maibsan ang hinaing ng mga motorista.

Ayon pa sa Pamahalaang Lungsod, sa nakasanayang  “conditional lifting” ng business permit suspensions sa lungsod, dapat malaman ng NLEX Corporation na kapag nakatanggap ng reklamo ang pamahalaang lungsod ay muling sususpendihin ang business permit.

Biinigyan ang NLEX Corporation ng sapat na panahon para pag-aralan ang mga mungkahi at iba pang napag-usapan sa pulong at magbibigay ng update sa lokal na pamahalaan ukol sa mga kaganapan.

“I really believe NLEX can do it… It’s up to you [NLEX] to show us your side of the story and if acceptable, we want to see deadlines and we want to make sure that na-implement na yon bago natin ma-lift itong suspension na ito,” ani Gathalian.

Sa nasabing dayalogo ay ipinakita naman ng NLEX Corporation, sa pangunguna ni President and General Manager J. Luigi Bautista ang mga plano nito sa pagpapaluwag ng mga  toll plazas sa Valenzuela City at kung paano tutugunan ang mga isyu sa RFID sticker at hamon sa pagre-reload.

Bubuksan umanong muli ng korporasyon ang mga cash lanes, magtatalaga ng mga RFID assistants,at  paiigtingin ang RFID replacement program at communication campaign.

Balak din ng NLEX na magpatupad ng selective and timed Barriers Up scheme”” para sa RFID lanes kapag masikip ang daloy ng trapiko.

Suportado naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia ang mungkahing Barriers Up.

“During barrier down, grabe ang traffic niyan hanggang Mindanao [Avenue] kaya pati si [Quezon City] Mayor Joy Belmonte nag-react… I-barrier up niyo muna… Kung ilan lang yung madaan na masingil, thank you. Eh yung hindi nadaanan dahil sira ang reader? Hindi kasalanan ng ibang motorista yon,” ani Garcia.

“I think for Valenzuela alone, pwede na [barriers up] kung ganoon kaliit lang — 2% eh. The data came from you [NLEX],” dagdag ni Garcia.

Magugunitang sinuspinde ng Valenzuela City ang business permit ng NLEX Corporation nang mabigo itong maglatag ng kongkretong solusyon at plaano kasunod ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Valenzuela City dahil sa “palpak”na RFID system.

Ayon sa lokal na pamahalaan, ang suspensyon ay bunga ng kapabayaan sa kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayan at consumer rights kahit pa nanawagan na para sa pagpapainam ng RFID system  si Mayor Rex Gatchalian.

Dahil sa nasabing kaganapan ay nagkaroon ng toll holiday sa anim na NLEX toll plazas sa lungsod at ito ay sa, Karuhatan-Mindanao Avenue Toll Plaza, Karuhatan-Harbor Link Toll Plaza, Karuhatan-MacArthur Highway Sub-Exit, Mindanao Avenue Toll Plaza, Paso de Blas Toll Plaza, at Lawang Bato Toll Booth. (JUVY LUCERO)