
Lumutang na ang pangalan ng David Tan Liao, matapos nitong kusang sumuko sa mga awtoridad kaugnay ng pagdukot at pagpatay sa Filipino-Chinese businessman na si Anson Que at kanyang driver na si Armanie Pabillo.
Pero mas lalong nag-init ang publiko nang kumalat online ang mga larawan ni Liao kasama sina Senadora Imee Marcos at dating presidential spokesperson Harry Roque!
Kinumpirma ng PNP na si Liao, isang Chinese national na kilala rin sa mga alias na Xiao Chang Jiang, Yang Jianmin, at Michael Agad Yung, ay sumuko nitong Sabado, Abril 19, at umamin sa krimen dahil sa “takot sa kanyang buhay.”
Nauna nang naaresto sa Roxas, Palawan noong Biyernes ang dalawa pang suspek na sina Richardo Austria David at Raymart Catequista ng PNP Anti-Kidnapping Group. Dalawa pang Chinese nationals ang tinutugis.
Nadiskubre ang bangkay ng mga biktima sa Rodriguez, Rizal noong Abril 9. Ayon sa imbestigasyon, huling nakita sina Que at Pabillo noong Marso 29. Kinaumagahan, nagpadala ng ransom demand ang mga suspek sa pamilya ni Que sa halagang US$20 milyon gamit ang WeChat.
Kinasuhan ng dalawang bilang ng kidnapping for ransom with homicide ang tatlong suspek. Isinailalim na sila sa inquest proceedings sa DOJ.
Nagpasalamat naman ang pamilya Que kina Pangulong Marcos Jr., PNP Chief Gen. Rommel Marbil, at sa buong pulisya sa mabilis na aksyon. Mariing itinanggi ni Marbil ang mga naglipanang tsismis ng panibagong kidnapping sa social media.
“Walang katotohanan ang mga ulat na may iba pang dinukot. Babala sa nagpapakalat ng fake news—may kalalagyan kayo sa batas!” mariing pahayag ni Gen. Marbil.
Abangan ang mga susunod na kilos. Sino pa ang konektado sa kasong ito?
More Stories
2 PATAY SA SALPOKAN NG KOTSE AT BUS SA CALAUAG, QUEZON
TRIKE BUMANGGA SA POSTE: BABAE PATAY, 8 SUGATAN KABILANG ANG SANGGOL
KOREAN VOICE PHISHING SUSPECT, HULI SA PAMPANGA