April 15, 2025

Baril nakumpiska sa tambay

SWAK sa kulungan ang isang lalaki matapos inguso sa pulisya ng kanyang live-in partner na may dalang baril habang pagala-gala sa labas ng kanilang bahay sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, mahaharap ang suspek na si alyas “Manuel”, 33, sa kasong paglabag sa RA 10591 in relation to BP 881 (Omnibus Election Code of the Philippines).

Sa ulat, iniulat ni “Lyn”, 29, live-in partner ng suspek, sa Malabon Police Sub-Station 3 ang kanyang ka-live-in na nasa inpluwensya ng alak at may dalang baril habang pagala-gala sa labas ng kanilang bahay sa Saint. Gregory Homes, Brgy. Panghulo.

Kaagad namang rumesponde sa lugar sina PMSg Cesar Bandol Jr. at Pat Renerio Macabeo kung saan nakita nila ang suspek na sukbit na baril kaya maingat nila itong nilapitan sabay nagpakilalang mga pulis.

Hindi naman pumalag ang suspek nang kumpiskahin sa kanya ang dalang isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala subalit, nang wala siyang maipakitang mga dukomento hinggil sa ligaledad nito ay inaresto siya ng mga pulis at isinelda.