December 23, 2024

BARI’KUS SA LAYLAYAN

KAPAG ikaw ay may hawak na mataas at sensitibong posisyon sa gobyerno, napakahalaga kung gaano ka-epektibo ng mga tao sa paligid mo.

Partikular iyong mga tagapayo, kumakatawan at nagsasalita para sa iyo at iyong mga byutisyan (papogi o paganda sa iyong imahe) at  pamatay-sunog kapag may kontrobersiyang tutupok sa anumang plano mo sa hinaharap.

Kapag sa haba nang panahon mo ng kasama ang mga nabanggit at ni hindi umaangat ang estado mo sa pulso ng masa at lalo pang sumasadsad ang reyting ay dapat nang palitan kahit mabigat sa kalooban mo.

Kapag pinayuhan ka na i-reach out ang masa tulad nang pamimigay ng mainit pero tinipid na pagkain  o pagtulong sa harap ng kislap ng kamera pati paglusong sa baha  na hindi dapat ginagawa ng isang statesperson na nasyunal ang sakop. Dahil ito ay gawaing pang-lokal lamang na hakbang at ‘di makapapapabango ng iyong pangalan.

Kapag inuuto ka ng mga tao mo kung pano humarap sa publiko sa telebisyon nang  katanggap-tanggap sa panlasa ng  mamamayan na gusto ay taos at hindi kaplastikan ay may problema ka sa sarili mong tao.

Kapag ang tao mo ay puro kombatib ang asta na damang siya ang may kontrol sa lahat na ‘di naman dapat ay hinihila ka pababa at ‘di ito makatutulong sa anumang pulitikal plan in da pyutyur. Kailangan mong kumuha ng seasoned na alipores habang may panahon pa.

Kapag hinahayaan kang utuin, ulutin at kalabanin ang mismong kasama mo sa gobyerno sa utos ng kapartido, kumunoy ang sasadlakan mo dahil mas importante sa iyo ang partido kaysa kapakanan ng sambayanan.

Kapag ‘di ka napayuhan ng tao mo na ‘di dapat kinakampihan ang mga radikal na pulahang nagpapabagsak na pamahalaan, inutil ang tao sa paligid mo.

At kapag sinulsulan ka ng alalay mo na labanan ang kasama sa gobyerno na ‘di hamak na popular sa iyo at pati ang opisyal na tagapagsalita ay umaasta ring palaban sa kanyang mga isteytment eh mistulang ugat na maitim na nagbuhul-buhol sa iyong alaalakan sa ilalim ng iyong LAYLAYAN.

Wala ng gamot ang bari’kus beyn. Kasama mo na yan poreber sa iyong sasadlakan sa larangan ng pulitika.

Uwi na lang kayo sa inyong pinanggalingan.

ABANGAN!