NANAWAGAN si House Committee on Dangerous Drugs Chairperson at Surigao del Norte Rep. Ace Barbers kay dating Presidential spokesperson Harry Roque na tigilan na ang paniniwala na siya ay isang important political figure sa bansa.
Sa isang panayam, tinanong si Barbers kaugnay sa pahayag ni Roque na tinawag ang administrasyong Marcos Jr. na diktador at hinimok ang publiko na magprotesta sa EDSA tuwing Biyernes.
“Well, ako, ang masasabi ko lang, medyo parang siguro bawas-bawasan ni Atty. Harry Roque ‘yong paniwala na napaka-importanteng political figure niya para sikilin ‘yong kanyang freedom of expression, para sikilin yung kanyang… mga sinasabi,” saad ni Barbers.
“Kung ikaw ay naniniwala na napaka-importante mo eh nasa sa iyo na yun,” dagdag niya.
Iginiit ni Barbers na kung nais ng gobyerno na patahimikin ang oposisyon, hindi si Roque ang magiging target.
“Wag na sanang haluan ng politika dito. Wala hong politika dito dahil kung meron sisikilin na freedom of expression, eh ‘di sana hindi ikaw, ‘no, hindi ikaw, marami siguro d’yan,” dagdag ng mambabatas.
Ikinulong ng 24-oras si Roque mula noong Huwebes ng gabi matapos mapatunayan ng quad committee ng Kamara de Representantes na nagsinungaling ito sa sinabi na hindi makadadalo sa pagdinig noong Agosto 16 dahil mayroon siyang hearing sa Manila Courts.
Pero napatunayan na walang pagdinig si Roque noong Agosto 16 kundi ito ay noong Agosto 15. Sinabi ni Roque na ito ay isang honest mistake.
Inimbitahan ng komite si Roque matapos masangkot sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (Pogo) sa Porac, Pampanga.
“The fact remains that sagutin niyo ‘yong mga tanong ng mga kongresista dito sa quad-comm, kasi napakahalaga no’ng hinahanap na mga dokumento, napakahalaga ng hinahanap na mga SALN (Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth), trust agreements, trust contracts, audited financial statements, these are necessary documents na para mapatunayan na ang perang allegedly na ginagamit ng iyong korporasyon ay hindi galing sa iligal na Pogo,” dagdag pa ni Barbers.
Sa Miyerkoles ay muling magsasagawa ng pagdinig ang quad committee.
More Stories
BAGONG TATAG NA TARLAC CHAPTER & GYM KAAGAPAY SI SIKARAN OFFICIAL MASTER CRISANTO
Bagong gym, binuksan sa Navotas
PAGPAPALIBAN SA BARMM ELECTIONS, PINAG-AARALAN NA – PBBM