December 24, 2024

BARANGAY CHAIRMAN SA QUIAPO, ITINUMBA

PATULOY na iniimbestigahan ng Manila Police District (MPD) ang nangyaring pamamaril noong Miyerkoles sa isang barangay chairman sa Quiapo, Manila.

“On going ang investigation ng homicide (Homicide is investigating the incident),” ayon kay MPD chief Brig. Gen. Rolly Miranda.

Sa ulat ng MPD Homicide section, nakaupo malapit sa temporary outpost sa kahabaan ng Globo De Oro Street dakong alas-11:00 ng gabi ang 33-anyos na biktima na si Abubacar Sharief, tserman ng Barangay 384, Zone 39, at ang kanyang kasama na si Malik Abdulah, 38, nang lapitan sila ng hindi pa nakikilalang mga lalaki na armado ng baril at pinadapa ang dalawa sa sahig.

Habang nakadapa, pinaputukan ng makailang ulit si Sharief na agad niyang ikinamatay, habang nagtamo naman ng sugat si Abdulah nang tamaan ng stray bullet sa kanang hita na kasalukuyang nagpapagaling.

Noong 2012 nang mapatay rin sa pamamaril ang ama ng nasawing biktima na si Zainal Sharief.

Incumbent barangay chairman noon si Zainal na pinagbabaril sa loob ng kanilang bahay. ROMMEL JAVIER