November 26, 2024

Banta ng COVID-19 Hamon sa Taal Evacuation

BATANGAS – Dahil sa pag-alboroto ng Bulkang Taal noong Huwebes, Hulyo 1, mahigit sa 14,000 residente na nasa danger zones sa Batangas ang walang pagpipilian kundi iwan ang kanilang mga tahanan.


Kabilang sa kanila ang nasa 4,000 katao mula sa mga barangay sa Buso-buso, Gulod, at Bugaan East sa Laurel, Batangas, na nasa loob ng seven-kilometer danger zone.

Ayon kay Maria Tenorio, barangay kagawad ng Bugaan East, ang pagtugon sa COVID-19 health protocols ay magiging mahirap para sa mga evacuee na nasa Ticub Elementary School, na ginawang evacuation center.

Pero sa San Gregorio Integrated School na isa ring evacuation center, sinabi naman ni Barangay San Isidro Chairman Cheelmark Cantero na nasusunod naman ang wastong health protocols.

Kapwa mayroon isolation facilities ang nasabing mga paaralan, bawat silid-aralan ay maari lamang tumanggap ng isang pamilya upang maiwasan ang overcrowding.

Bagama’t aminado ang Laurel municipal government na  na hamon para sa kanila ang mapanatili ang minimum health protocols, lalo na ang physical distancing sa mga evacuation center.

Sa ngayon, tatlo lang ang active COVID-19 cases sa Laurel. Ayon sa Municipal Health Office, hindi na isinasailalim sa antigen o RT-PCR test ang mga evacuee dahil sa limitadong test kits.

Pero oras na makitaan ng mga sintomas ang evacuee, agad siyang ililipat sa isolation area.