November 15, 2024

BANK ACCOUNTS  NI QUIBOLOY, 9 IBA PA MAY FREEZE ORDER NA

PINIGIL ng Court of Appeals sa pamamagitan ng paglalabas ng freeze order, ang bank accounts at mga real property ng puganteng si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC)  at siyam iba pa dahil sa alegasyon ng pagkakasangkot sa seryosong krimen, kabilang ang human trafficking, sexual abuse at money laundering.

Sa 48-pahinang resolusyon, naglabas ang CA ng freeze order laban sa bank accounts at ari-arian ni Quiboloy at ng KOJC, Swara Sug Media Corporation (SSMC) o Sonshine Media Network International (SMNI), Children’s Joy Foundation, Inc, (CJFI) at siyam na iba pang indibidwal.

Sakop din ng order ang 10 bank accounts, pitong lupain, limang motor vehicles at isang eroplano ni Quiboloy; 47 bank accounts, 16 real property at 16 motor vehicles ng KOJC; 17 bank accounts, limang real properties at 28 motor vehicles ng SSMC; gayundin ang 23 bank accounts, isang real property at apat na motor vehicles ng CJFI.

Saklaw din ng freeze order ang mga bank accounts ng mga kapanalig ni Quiboloy – sina Maria Teresita Dandan, Helen Pagaduan Panilag, Paulene Chavez Canada, Cresente Chavez Canada, Ingrid Chavez Canada, Sylvia Calija Cemañes, Jackielyn Wong Roy, Alona Mertalla Santander, at Marlon Bongas Acoo.
Kaagad na epektibo ang naturang kautusan na tatagal nang 20 araw.

Inihayag naman ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni Quiboloy at KOJC, na hihintayin muna nila na makuha ang kopya ng kautusan bago siya magkokomento.

“The KOJC does not want to speculate as to what is the Order all about because it never had any hint nor inkling about it beforehand,” saad niya.

“Hence, it is withholding any comment/s about the matter until and after it receives an official copy of the Order and the petition, including its attachments,” sabi pa ng abogado.

Sinabi naman ni SMNI lawyer Atty. Mark Tolentino, na bagaman iginagalang nila ang desisyon ng korte, maghahain sila ng mosyon laban sa naturang kautusan.

“We will file a motion to lift that order to the Court or file a TRO to SC,” ayon kay Tolentino.

Nahaharap si Quiboloy sa patong-patong na kaso, kabilang ang qualified human trafficking at child abuse.

Pinaghahanap ngayon si Quiboloy dahil sa may warrant of arrest na inisyu ang korte laban sa kaniya.

May pabuyang P10 milyon sa makagpatuturo sa kaniyang kinaroroonan.

Naniniwala si Police Rregional Office 11 chief Police Brigadier Nicolas Torre III, na nasa loob ng malawak na KOJC compound nagtatago si Quiboloy.

Dati nang itinanggi ni Quiboloy ang mga paratang laban sa kaniya.