Ang bangko ng Global ComRCI, ang third party auditor ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na kinontrata ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ay hindi awtorisado ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magsagawa ng operasyon sa bansa kaya hindi ito pwedeng mag-isyu ng bank guarantee, ayon kay Senador Win Gatchalian.
Sa nakaraang pagdinig ng Senado, sinikap ng Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Gatchalian na suriin kung talagang lehitimo ang operasyon ng mga POGO sa bansa at isa nga dito ay ang pagsisiyasat sa kredibilidad ng Global ComRCI sa pag-audit ng kinikita ng mga POGO.
Pero iba ang napag-alaman ng komite pagkatapos matanggap ng senador ang sulat na galing mismo kay BSP Governor Felipe Medalla na naglalaman ng mga kasagutan sa maraming tanong ni Gatchalian tungkol sa sinasabing bangko ng Global ComRCI.
Sa naturang liham, sinabi ni Medalla na ang Soleil Chartered Bank ay hindi kabilang sa mga financial institution na nakarehistro o nasa ilalim ng pangangasiwa ng BSP. Ni wala nga raw itong natatanggap o napoprosesong anumang banking license application mula sa Soleil batay sa rekord ng BSP mula 2014, ayon kay Medalla sa liham.
Ang Global ComRCI, na inatasan ng PAGCOR na magsagawa ng pag-audit sa kabuuang gaming revenues ng mga POGO, ay nagsumite ng isang bank certificate na inisyu umano ng Soleil bilang pagtugon sa requirement ng PAGCOR para sa isang 10-taong P6 bilyong kontrata. Sa ilalim ng Terms of Reference (TOR) ng PAGCOR, kailangang matugunan ang P1 bilyon na capital requirement bago maging kwalipikado ang isang third-party auditor.
Sa huling pagdinig ng Senado, nagpakita ang PAGCOR ng bank guarantee na sinasabing inisyu ng Soliel sa Global ComRCI sa halagang $25 milyon.
Ipinaliwanag din ni Medalla sa liham na ang isang dayuhang bangko ay kailangang magsumite ng aplikasyon sa BSP para makapag-operate sa Pilipinas bilang pagsunod sa Republic Act No. 7721 o An Act Liberalizing The Entry and Scope Of Foreign Banks In The Philippines.
Sa Pilipinas, tanging ang mga pinahihintulutan ng BSP na magpatakbo bilang bangko ang maaari lamang na mag-isyu ng letter of credit. Dagdag pa rito, ang isang dayuhang bangko na pinahihintulutan ng regulator ay maaaring mag-isyu ng letter of credit kung ang kontrata ay pinirmahan sa labas ng Pilipinas, ayon kay Medalla.
“Base sa sulat ng BSP, lumalabas na palsipikado ang bank certification mula sa Soleil na isinumite ng Global ComRCI sa PAGCOR dahil hindi awtorisado ang Soleil na mag-isyu ng anumang bank guarantee. Lumalabas na kaduda-duda ang operasyon ng Global ComRCI. Malinaw na paglabag ito sa terms of reference ng PAGCOR at dahil dito ay pwedeng i-terminate ang kanilang kontrata. Dapat tutukan natin ito nang maigi,” giit ni Gatchalian.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA