December 23, 2024

Bambang Tarlac Mayor Alice Guo, iniimbestigahan na ng NPC

KINUMPIRMA ni dating Senate President Vicente Sotto III na iniimbestigahan na ng Nationalist People’s Coalition o NPC si Bambang Tarlac Mayor Alice Guo na nalantad kamakailan dahil sa insidente ng POGO sa kanyang nasasakupan.

Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Sotto, presidente ng NPC na kinaaaniban ni Mayor Guo,  nagsasagawa na ng sariling imbestigasyon ang NPC sa mga isyu na nag-uugnay kay Mayor  Guo partikular ang sinasabing pagiging protector ang alkalde ng  POGO sa kanilang bayan.

Ayon kay Sotto, mahigpit ang kanilang pagtanggap sa mga public official na nais pumasok o sumali sa kanilang partido dahil dumaraan pa sila sa background checking at ipinapasa sa membership committee.

Bukod sa Senate investigation Kay Mayor Guo   na pinumumunan ni Senator Gatchalian, pinapaubaya na rin ng partido ang pagsisiyasat kay Tarlac Governor Susan Yap na chairman ng NPC sa lalawigan.

Sinabi ni Sotto na sakaling mapatunayang nagsisinungaling ang alklade sa kaniyang pahayag, tatanggalin siya bilang miyembro ng NPC  katulad ng pagpapatalsik kay dating congressman Arnolfo Teves, Jr.

Samantala, tumanggi ang dating Senador na magsalita patungkol sa naganap na pagpapatalsik sa puwesto bilang Senate President kay Senador Juan Miguel Zubiri na pinalitan ni Senador Francis “Chiz” Escudero.

Sa halip, sinabi ni Sotto na hindi sina Zubiri at Escudero ang tinatanong sa isyu kundi ang 15 Senador na bumoto para patalsikin si Zubiri.

Ito aniya ay upang mabatid ng publiko ang dahilan sa nangyaring pagpapalit ng liderato sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.