December 26, 2024

BAKUNANG GINAMIT NG MGA MILITAR WALANG DOKUMENTO – BOC

Mahaharap sa kasong administratibo at sibil ang mga opisyal na mapapatunayang sangkot sa pagpupuslit ng COVID-19 vaccines na ibinigay sa mga militar at matataas na opisyal ng pamahalaan.

Kasunod ito ng pagbubulgar ng Bureau of Customs (BOC) na wala itong natanggap na impormasyon tungkol sa pagpapadala ng mga COVID-19 vaccines na ipinamahagi sa miyembro ng Presidential Security Group (PSG).

Ayon kay BOC assistant commissioner at spokesperson Philip Vincent Maronilla, lahat ng COVID-19 vaccines na papasok sa bansa ay dapat siguraduhin na may permit mula sa Food and Drugs Administration (FDA).

Saad ng opisyal na ang mga ganitong klase ng produkto ay kinakailangan ng lisensya mula sa FDA upang simulan ang kanilang operasyon. Gayundin ang provisional authority mula sa naturang ahensya.

Sa ngayon ay tinitingnan umano ng BOC ang kanilang mga records sa mga bakuna na nakapasok sa bansa ngunit wala pa raw silang nakikita.

Kung maaalala, isinapubliko mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na may ilang miyembro ng kaniyang PSG ang naturukan na ng bakuna mula sa Chinese pharmaceutical company na Sinopharm, kahit hindi pa ito aprubado ng FDA.

Patuloy ding iniimbestigahan ng FDA ang naturang paksa kung saan nilinaw nito na wala pang bakuna na inaaprubahan para sa gamitin sa bansa.

Wala rin daw itong binibigay na lisensya sa kahit anong pharmaceutical company para mamigay ng bakuna. Dagdag pa ni Maronilla, sa oras na mapatunayang pinasok ang mga bakuna na ito na walang pahintulot ng pamahalaan at malinaw na smuggling ang nangyari, ay maaari silang kasuhan dahil sa paglabas sa Customs Modernization Act.