December 26, 2024

BAHAY SA NAVOTAS NIRATRAT, 4 PATAY

TODAS ang apat katao, kabilang ang maglive-in partner matapos pasukin sa loob ng bahay at walang habas na pagbabarilin ng apat na armadong mga suspek sa Navotas City, Lunes ng madaling araw.

Agad binawian ng buhay sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan ang mga biktimang sina Allan Sioson, 49, kanyang live-in partner na si Rosalia Menia, 26, habang nadamay din ang umano’y kanilang plantsadora na si Sally Sapallo, 41, at ang 15-anyos na menor-de-edad na binatilyo na umano’y nakikain lamang sa loob ng bahay ng mga biktima.

Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr. nasa loob ng kanilang tirahan sa 417 Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN) ang maglive-in partner, kasama ang dalawa pang biktima, nang biglang pumasok ang mga suspek dakong alas-1:35 ng madaling araw at walang habas silang pinagbabaril.

Sa kuha ng close circuit television (CCTV) camera sa lugar, tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaslang sakay ng dalawang motorsiklo patungong C4 Road.

Nakuha ng mga tauhan ng NPD Forensic Group sa crime scene ang 20 pirasong basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril, dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu, drug paraphernalias, digital weighing scale, lob book ng kanilang transaksyon at apat deformed fired bullets.

Ayon kay BGen. Peñones, dati ng nakulong sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga si Sioson at nang makalaya noong 2021 ay itinuloy umano nito ang pakikipag-transaksiyon sa ilegal na droga kung saan ginamit pa ang kanyang tirahan bilang drug den.

Taliwas sa inisyal na ulat ng imbestigador na plantsadora sa bahay ng mag-live-in partner si Sapallo at nakikain lamang ang menor-de-edad na binatilyo, sinabi ni BGen. Peñones na parehong “runner” ng ilegal na droga ang dalawa.

Inamin naman sa pulisya ng anak ng biktima at iba pang testigo na may malaking utang ang dalawa at hindi nakakabayad sa pinagkukuhanan nila ng ilegal na droga na posibleng ikinagalit ng mga ito sa kanila.

Sa ngayon ay kilala na umano ng mga pulis ang mga suspek at kasalukuyan na nilang tinutugis ang mga ito para maaresto.