
MANILA — Ilang paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang binaha isang araw bago ang pagbubukas ng School Year 2025-2026, habang may mga ulat din ng kakulangan sa mesa at upuan, ayon sa mga guro at school administrators.
Ayon sa ulat, lima sa mga silid-aralan ng Frances Elementary School sa Calumpit, Bulacan ang lubog sa baha, at ang ilan dito ay nagiba na ang kisame bunsod ng sunod-sunod na ulan at taas ng tubig-dagat.
Sa Doña Damiana De Leon Macam Memorial Elementary School, makeshift na daanan ang ginawa ng pamunuan para maprotektahan ang mga mag-aaral sa baha habang papasok sa paaralan.
Naitala ang pagtaas ng tubig bandang alas-dos ng hapon ng Linggo, Hunyo 15, at inaasahang huhupa ito sa gabi.
Sa Kiamba, Sarangani, si Guro Freddie Pareñas Collado ng Roberto E. Madayag Child Development Center ay napilitang itaas sa mga lamesa ang mga gamit sa silid-aralan matapos ang pag-apaw ng tubig sa paligid ng paaralan.
Sa Don Vicente Rama Memorial Elementary School sa Cebu, patuloy ang paghahanda ng mga guro sa pagbubukas ng klase, ngunit nananatiling kulang ang mesa at upuan. Sa ngayon, lumang silya, monobloc chairs, at folding tables ang pansamantalang gagamitin ng mga estudyante.
Sinusubukan pa ring kunin ang pahayag ng Department of Education (DepEd) hinggil sa kalagayan ng mga paaralang apektado ng baha at kakulangan sa pasilidad.
More Stories
2 huli sa traffic violation, nalantad na sangkot sa extortion gamit ang pangalan ni Liza Marcos
Nonito Donaire, wagi sa pagbabalik sa lona
NGO, nanawagan kay Marcos na i-veto ang panukalang batas na nagpapaluwag sa gun control policies