January 10, 2025

BAGONG SET NG NAVOTAS FRONTLINERS, BINAKUNAHAN

Isa pang set ng medical workers sa Navotas city ang nakatanggap ng kanilang unang dose ng Coronavac kontra sa Coronavirus Disease 2019. Nasa 77 na mga health workers na nakatalaga sa isolation facilities ng lungsod, barangay health centers, at sa city health department. (JUVY LUCERO)

NABAKUNAHAN na rin kontra Coronavirus Disease 2019 ang isa pang set ng medical workers sa Navotas city.

Nasa 77 health workers na nakatalaga sa isolation facilities ng lungsod, barangay health centers, at sa city health department ang nakatanggap ng kanilang unang dose ng CoronaVac.

“Dahil sa mabilis na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa ating bansa, kinakailangan pong mabakunahan sa lalong madaling panahon ang ating mga frontliners at most vulnerable groups tulad ng ating mga senior citizen. Gusto po natin silang maprotektahan, at ang lahat ng ating mamamayan, mula sa banta ng nakamamatay na sakit,” ani Mayor Toby Tiangco.

“Nabasa namin ang mga ulat tungkol sa mga ospital na umaabot sa kanilang full capacity. Ang ating Navotas City Hospital ay 86% full na ngayon. Ganun din sa ating dalawang community isolation facilities. Anuman ang maari nating gawin upang matulungan na mapabagal ang transmission ay gawin natin ito. Sundin natin ang safety protocols at maging responsable para sa ating kalusugan,” dagdag niya.

Inuulit din ni Tiangco ang kanyang panawagan sa mga Navoteños na magparehistro para sa NavoBakuna COVID-19 vaccination program sa http://covax.navotas.gov.ph.

“Hinihikayat po natin ang lahat na magparehistro para sa libreng COVID vaccine, lalo na ang mga matatanda sa ating tahanan. Mas maganda po kung buong pamilya ay mabakunahan para kalusugan ay maprotektahan,” paalala niya.