April 2, 2025

BAGONG SCAM TARGET MGA PINOY SA US – BI

SINABI ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na ang mga na-repatriate mula sa Myawaddy, Myanmar, ay nagsiwalat ng isang bagong uri ng scam hub operations.

Ginagamit ng mga scammer ang social media upang makontak ang mga Pilipino sa US at hikayatin silang mamuhunan sa mga pekeng cryptocurrency accounts, na nangangako ng malaking tubo nang walang gaanong panganib.

Kapag nailagay na ng mga biktima ang kanilang pera, minamanipula ng mga scammer ang account balance upang magpakita ng pekeng kita, na nag-uudyok sa mga biktima na mamuhunan pa. Sa huli, mawawala ang mga scammer at hindi na ma-withdraw ng mga biktima ang kanilang pera.

Pinuri ni Viado ang pagkakaaresto kay alyas “Jon-Jon” ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Marso 26.

Si “Jon-Jon,” na isa sa mga na-repatriate, ay una umanong nagsabing biktima rin siya, ngunit natuklasang isa pala siyang recruiter na nag-alok ng trabaho sa Thailand.

Ngunit sa halip, dinala niya ang mga biktima sa Myanmar, kung saan sila inabuso at pinilit na maging scammers. Ayon sa mga repatriate, si “Jon-Jon” ang nag-develop ng bagong modus na nakatutok sa mga Fil-Am.


“We wish to send this warning to our kababayans abroad not to fall prey to this new modus. The IACAT (Inter-Agency Council Against Trafficking) is working to ensure that those who continue to victimize Filipinos face the harshest penalties of the law,” ayon kay Commissioner Joel Anthony Viado, Bureau of Immigration.