November 22, 2024

Bagong procurement law pinalakas ang anti-corruption sa gobyerno – DBM

Ang bagong procurement law ang susi para matigil ang korapsyon sa gobyerno.

Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman,  na ang New Government Procurement Act (NGPA) o Republic Act (RA) 12009 ang magpapahusay sa government efficiency at matitiyak ang high-quality outcomes.

Sinisiguro rin ni Pangandaman na hindi na mauulit ang Pharmally scandal o ang kontrobersiyal na paggawad ng multi-billion peso contracts sa Pharmally Pharmaceuticals Corp. noong nakaraang administrasyon.

“While we made it a little flexible in doing the procurement process, there are still safeguards,” aniya, na binanggit ang development partners tulad ng World Bank, Asian Development Bank at United Nations na bahagi sa pagbuo ng implementing rules and regulations ng RA 12009.

Sinabi ni Pangandaman na maselan ang naging proseso ng pagbalangkas sa implementing rules and regulations sapagka’t kumplikado at sari-sari ang bagong procurement modalities na ipinakilala sa ilalim ng NGPA.

Binanggit niya na ang major advancement kasunod ng paglagda sa RA 12009 ay ang patuloy na digitalization effort sa loob ng procurement system.

“For Common-Use Supplies and eventually kahit hindi po common-use, meron na po tayong add to cart,” wika ni Pangandaman.

“The PS (Procurement Service)-DBM will make sure na ang papasok do’n sa site na ‘yon ay okay na. So, wala kang problema sa quality ng mga bibili. At makakapili ka po based on your budget and needs,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ni Pangandaman na kasama na rin ang partisipasyon ng mamamayan sa procurement process, isang key component ng Open Government Partnership.

Idinagdag niya na ang mga kinatawan mula sa pribadong sektor na pipiliin ng kani-kanilang mga ahensya ay malaki ang gagampanang tungkulin para matiyak ang integridad ng procurement process.