May 8, 2025

BAGONG PAG-ASA SA LOOB NG BILIBID: SAN MIGUEL, NAGKALOOB NG EDUKASYON AT PAGKAIN SA MGA BILANGGO

MUNTINLUPA CITY — Isang makabuluhang kaganapan ang ginanap sa New Bilibid Prison kung saan personal na nagpasalamat si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. kina San Miguel Corporation (SMC) Chairman at CEO Ramon S. Ang at sa anak nitong si Cecile Ang, pinuno ng SMC Foundation, para sa kanilang malaking donasyon ng mga kagamitang pang-edukasyon para sa mga Person Deprived of Liberty (PDL).

Ang nasabing tulong ay bahagi ng patuloy na kampanya para bigyan ng bagong pag-asa ang mga PDL sa minimum security compound sa pamamagitan ng edukasyon. Sa ginanap na turnover ceremony ng bagong ayos na college building, binigyang-diin ni Catapang ang kahalagahan ng komportableng lugar ng pag-aaral para sa mga PDL na nais magbagong-buhay.

“Hindi lang ito gusali. Isa itong simbolo ng pangalawang pagkakataon,” ani Catapang.

Itinampok din ang matagal nang pakikipag-ugnayan ng BuCor sa University of Perpetual Help System Dalta, na simula pa noong 1980s ay tumutulong sa pagbibigay ng edukasyon sa mga PDL. Sa bisa ng partnership na ito, umabot na sa 1,072 PDLs ang nakapagtapos ng kolehiyo.

Kabilang sa pinarangalan ay si Justice Karl Miranda ng Sandiganbayan, na walang sawang nagtuturo sa mga nakakulong na estudyante. Aniya, mahalagang ihanda ang mga PDL para sa muling pagharap sa lipunan.

Ayon kay Cecile Ang, ang proyekto ay bahagi ng mas malawak na adhikain ng SMC Foundation na tumulong sa mga adbokasiyang panlipunan gaya ng edukasyon at pangangalaga sa kalikasan. Ibinahagi rin niya ang aral mula sa kanyang amang si Ramon Ang, na isang ulila: “Ang disiplina, kapag pinaghusayan, ay may mararating.”

Dagdag pa niya, “Itong transformation ng school buildings ay maging gabay at simula ng paniniwala na kaya nating baguhin ang ating buhay.”

Bukod sa P50 milyong pondo para sa edukasyon, sinimulan na rin ng SMC Foundation noong nakaraang taon ang pagtupad sa P100 milyong food commitment para sa mga PDL, na ipapamahagi sa loob ng tatlong taon.

Ayon sa mga opisyal, ang mga ganitong inisyatibo ay patunay na posible ang rehabilitasyon at pagbabago — kahit nasa loob ng kulungan. Mula sa bagong silid-aralan hanggang sa bagong pananaw sa buhay, unti-unting binubuksan ang pintuan ng pag-asa para sa mga nakakulong.