
MAYNILA — Mariing kinondena ng Bagong Henerasyon Party-list ang biglaang pagsuspinde ng kanilang proklamasyon bilang isa sa mga nanalong kinatawan sa House of Representatives, matapos umanong walang abiso o pormal na paliwanag mula sa Commission on Elections (COMELEC).
Ayon sa opisyal na pahayag ng grupo ngayong araw, ikinagulat nila ang desisyon ng COMELEC na ipagpaliban ang kanilang proklamasyon, sa kabila ng kawalan ng anumang naiparating na reklamo, sipi ng kaso, o pagkakataong makapagpaliwanag.
“Maliwanag po: Walang natanggap, nakita, o kahit na narinig man lang ang Bagong Henerasyon ukol sa diumano’y kasong ito. Paano kami mapapanagot sa isang akusasyong hindi pa nga namin alam?”
Dagdag pa ng grupo, ang desisyon ng COMELEC ay hindi lamang paglimos ng hustisya, kundi direktang pambabastos umano sa 319,803 botanteng Pilipino na nagtaya ng tiwala sa kanila.
“Hindi lang po ito mga numero. Sila ay mga tao. Mamamayan. Botante… mga sektor na matagal nang nananawagan ng tunay na representasyon.”
Giit ng Bagong Henerasyon, mismong panuntunan ng COMELEC ang nagsasabing ang proklamasyon ay hindi maaaring ipagpaliban maliban kung may pinal na resolusyon ang isang kaso. Sa pagkakataong ito, wala pa umanong anumang pormalidad na ipinapakita, kaya’t labag ito sa proseso at sa Saligang Batas.
Nagpahayag din sila ng kahandaang harapin ang anumang reklamo “kahit kailan, kahit saan,” ngunit hiniling na sana’y sundin ang wastong legal na proseso.
“Ang suspensyon ng aming proklamasyon—at ang pagpapawalang-saysay sa boto ng 319,803 katao — ay hindi lamang isang kawalan ng hustisya. Isa po itong paglabag sa ating Saligang Batas.”
Nagsampa na ng Urgent Motion to Proclaim ang grupo sa COMELEC at nanawagan sa ahensya na pairalin ang batas at igalang ang desisyon ng sambayanan.
“Igalang ang tinig ng mamamayan. Igalang ang pasya ng sambayanan. Iproklama ang Bagong Henerasyon,” giit ng grupo.
More Stories
COMELEC, pormal na idineklara ang 52 panalong party-list sa Halalan 2025
PBBM, BUKAS MAKIPAG-AYOS SA MGA DUTERTE
₱440M CASH, TINANGKANG IPUSLIT! 9 DAYUHAN, PAALISIN SA ‘PINAS