June 6, 2025

DICT Chief Henry Aguda, binigyang-pansin ang Hamon ng Internet Access at Cybersecurity

MAYNILA — Dumalo si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda sa Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules, na inorganisa at pinangunahan ni The Philippine STAR Associate Editor Marichu Villanueva.

Sa naturang forum, tinalakay ang napapanahong isyu tungkol sa “Connectivity vs. Digital Risk,” kung saan pinag-usapan ang mga hamon sa pagpapalawak ng internet access sa buong bansa kasabay ng pangangailangang tiyakin ang cybersecurity, data privacy, at responsableng paggamit ng digital na teknolohiya.

Binigyang-diin ni Secretary Aguda ang kahalagahan ng balanseng pagharap sa mga teknolohikal na oportunidad at panganib upang mapanatili ang kaligtasan at proteksyon ng mga mamamayan habang pinapalawak ang digital connectivity sa bansa.

Samantala, nakatakdang ilunsad ng pamahalaan sa susunod na buwan ang isang “unified dashboard” katuwang ang mga telecommunication companies (telcos) upang labanan ang lumalalang banta ng deepfakes at iba pang ilegal na online content.

Ayon kay Aguda, ang mga telco ang mangunguna sa technical design ng dashboard, habang ang mga ahensyang gaya ng National Telecommunications Commission (NTC), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), at National Privacy Commission (NPC) ang magbabantay sa policy at regulasyon.

“This month, matatapos ‘yung final design. Next month, i-implement na po natin. Magkakaroon kayo ng matinding experience na mababawasan ‘yung mga iyan,” pahayag ni Aguda.

Ipinaliwanag ng kalihim na ang dashboard ay magbibigay-daan sa real-time monitoring ng mga IP address o domain na konektado sa deepfake sites, pati na sa mga pornographic content.

“Kapag nagbigay kami ng IP address o domain, immediately tanggal. Kasi kapag kinabukasan pa, tapos na ang damage,” ani Aguda.

Makikita rin umano sa dashboard ang oras kung kailan inalis ng telcos ang ilegal na site, na layuning pabilisin ang aksiyon at maiwasan ang pagkalat ng mapanirang content.

Bilang karagdagang hakbang, inihayag ni Aguda na makikipagpulong ang DICT sa mga pangunahing social media platforms upang talakayin ang paggamit ng teknolohiyang geo-blocking.

Ang geo-blocking ay isang mekanismong naghihigpit ng access sa nilalaman batay sa lokasyon, na epektibong paraan para mapigilan ang pagkalat ng mga deepfake sa mga partikular na bansa.

“’Yung same mechanism na ‘yun, kaya ng mga platform ipatupad proactively. At umaasa akong makikinig sila tulad ng naging positibong tugon ng mga telco,” dagdag pa ni Aguda.

Ang hakbang ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan kontra sa cybercrime, lalo na ang paggamit ng teknolohiya para sa panlilinlang, pagkalat ng maling impormasyon, at pagkasira ng reputasyon ng mga indibidwal. Inaasahan ng DICT na magiging mas episyente at mabilis ang pagtukoy at pagtanggal ng mga mapaminsalang nilalaman sa internet sa tulong ng bagong dashboard at pakikipagtulungan sa pribadong sektor.