ARESTADO ang isang miyembro ng LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender) na unang nagreklamo ng panghahalay laban sa isang Chinese national sa Valenzuela City makaraang matuklasan na wanted din pala sa dalawang magkaibang kaso.
Sa ipinarating na ulat ni P/Capt. Jocelyn Ebora, hepe ng Women and Children Protection Desk (WCPD) kay Valenzuela police chief P. Col. Salvador Destura, Jr., humingi ng tulong ang bading na biktima na itinago sa alyas “Rom” 25, call center agent at residente ng Bacoor, Cavite noong Mayo 24, matapos umano siyang halayin ng dayuhan na itinago sa alyas na “Mao” sa isang apartelle sa naturang lungsod.
Nagkakilala umano ang dalawa sa pamamagitan ng media app na “We Chat” hanggang alukin ni Rom ang dayuhan ng serbisyo dahil isa siyang masahista hanggang magkasundo silang pumasok sa isang apartelle.
Sinabi ni Rom kay P/Lt. Ronald Bautista, hepe ng Warrant and Subpoena Section na nagulat siya nang halikan siya sa labi ng dayuhan at nang pumalag siya, pinagsusuntok umano siya sa ulo at tiyan hanggang sa tuluyan na siyang halayin.
Nang magkaroon aniya siya ng pagkakataon, tumakas siya at humingi ng tulong sa isang tauhan ng apartelle at habang nagtatalo sila sa lobby ng apartment hotel, tumakas ang suspek subalit naharang ng mga nagmalasakit na motorista hanggang dumating na ang mga pulis mula sa Sub-Station 1.
Dito na humingi ng areglong P100,000 si Rom kapalit ng pag-urong sa kaso na bumaba ng hanggang P5,000 kaya’t nagpasiya ang pulisya na dalhin sila sa tanggapan ng WCPD hanggang sa tuluyang makulong ang dayuhan matapos sampahan ng kasong rape by sexual assault.
Ngunit kinabukasan, Mayo 25, iniurong ni Rom ang demanda kaya’t nagduda na sa kanya ang kapulisan hanggang sa matuklasan sa isinagawang beripikasyon na may warrant of arrest siya na inilabas ang Pasay City Regional Trial Court (RTC), Branch 298 noong Marso, 28, 2023 sa kasong Robbery at isa pang arrest warrant na inilabas naman ng Paranaque RTC Branch 274 sa kasong paglabag sa R.A. 8484 o ang Access Device Regulation Act noong Pebrero 10, 2023.
Natuklasan din ng pulisya na nahaharap din siya sa kasong qualified theft subalit nakalaya sa bisa ng piyansa.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA