
BACOLOD CITY – Sa kabila ng pabugso-bugsong ulan, bumida pa rin ang Bacolod Chicken Inasal Festival (BCIF) ngayong taon matapos kumita ng tinatayang P2.4 milyon mula Mayo 21 hanggang 25, ayon sa pahayag ng City Tourism Office nitong Martes, Mayo 27.
Ang nasabing kita ay higit pa sa naitalang kita noong 2023 at 2024 na P1.9 milyon at P1.8 milyon, ayon sa pagkakasunod. Ika-limang taon na ng BCIF, na inorganisa ng pamahalaang lungsod katuwang ang Headrush Events sa pangunguna ni Ryan Saez.
Bukod sa kita, tampok din sa tagumpay ng festival ang pagtulong sa 500 benepisyaryo mula sa mga institusyong gaya ng Saint Vincent’s Home for the Aged, Saint Ezekiel Monastery, Bacolod Girls and Boys Home, Social Development Center, at Holy Family Home. Nagbahagi sila ng libreng pagkain at chicken inasal bilang simbolo ng pagkakaisa at malasakit.
Ayon sa City Tourism Office, naging matagumpay ang BCIF 2025 sa kabila ng hamon ng panahon, at patuloy nitong pinatitibay ang turismo, negosyo, at pagkakaisang komunidad sa Bacolod.
“Pagdiriwang ito ng ating pagkakakilanlan at pagmamalaki,” ani Chief Tourism Operations Officer Maria Teresa Manalili, na nagpaabot ng pasasalamat sa suporta ng mga stakeholder at nangakong palalawigin pa ang festival sa mga susunod na taon.
May temang “Fire and Fusion,” itinampok ng festival ang sikat na chicken inasal sa pamamagitan ng masasarap na handog at mga makukulay na aktibidad sa iba’t ibang lugar gaya ng The Upper East by Megaworld, SM City Manokan Country, at Ayala Malls Capitol Central.
Isa sa mga tampok na aktibidad ang BCIF Arena Dance Competition kung saan pitong barangay ang nagtagisan ng galing sa sayaw at kultura. Nagsuot ng makukulay na kasuotan ang mga kalahok na sumalamin sa kultura ng Brazil, Africa, Jamaica, at Pilipinas habang isinasalaysay ang kwento ng inasal sa kanilang pagtatanghal.
Nagwagi ang Barangay Mansilingan at naiuwi ang P20,000. Nagpasalamat ang kanilang komunidad sa Facebook post at inalay ang tagumpay sa mga nagsakripisyo para sa pagtatanghal. Pangalawa ang Barangay Mandalagan (P15,000) at ikatlo ang Barangay Tangub (P10,000). Kabilang din sa lumahok ang Barangay Estefania, Cabug, Barangay 29, at Bata.
Sa BCIF Awards Night 2025 noong Sabado, Mayo 24 sa SM City Bacolod Atrium, itinanghal si Rogelio “Kenken” Santos Jr. bilang may pinakamagandang larawan – isang vendor ng inasal habang nag-iihaw, na kuha ng Camera Club of Negros. Ang larawang ito ang nagwagi sa kauna-unahang BCIF photo contest.
Itinampok din ang photo exhibit na “Capturing the Flavor” sa Citadines Bacolod noong Mayo 23, na naglalarawan ng kultura at kasaysayan ng inasal sa pamamagitan ng lente ng 12 piling photographer.
Pinapurihan nina Manalili at Konsehal Celia Flor ang pagsasanib ng sining, kultura, at kulinariya sa festival. Pinarangalan din ng lungsod ang mga natatanging indibidwal at institusyong nagpamalas ng kahusayan sa larangan ng pagkain, serbisyo, turismo, at malasakit sa komunidad.
Iniulat naman ng Bacolod City Police Office na naging mapayapa at maayos ang buong limang araw na selebrasyon na walang naitalang major incident. Nagpasalamat ang kapulisan sa kooperasyon ng publiko na naging susi sa ligtas na pagdiriwang ng BCIF 2025.
More Stories
PBA Season 49: Ginebra vs Meralco, TNT vs NorthPort—Laban para sa Quarterfinals
TEVES, BALIK PILIPINAS! BALO NI DEGAMO NAGPASALAMAT KAY PBBM AT SA TIMOR-LESTE
Gen. Torre bagong PNP chief; CHED at OSG may kapalit na rin