November 2, 2024

Babala ng DOH… PAGGAMIT NG VIDEOKE MABILIS MAKAHAWA NG COVID-19

Kailangan munang mamahinga ng videoke machines ngayong taon matapos ang babala ng Department of Health sa paggamit nito sapagkat malaki ang posibilidad na mabilis kumalat ang COVID-19 dahil sa pagkanta.

Sa isang pag-aaral, sinabi ni DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire ngayong Sabado sa Laging Handa briefing na ang pagkanta ay nagpo-produce ng highest viral load kung ikukumpara sa pagsasalita at paghinga.

“So siyempre, pag may mga ganito pong ebidensya, ang Department of Health po, because we base our recommendations on science and evidence, sinasabi natin na hindi muna natin mairerekomenda na itong videoke [bars] ay mabuksan natin,” lahad ni Vergeire.

“Although sa mga pami-pamilya lang na hindi naman lumalabas, maaari naman natin ‘yan payagan. Pero ‘yun pong mga pang-malawakan, mga party po ng magkakaibigan, baka po dapat iwasan po muna natin iyon,” dagdag ng DOH official.

Lumalabas sa isinagawang pag-aaral ng mga dalubhasa ng Lund University sa Sweden na ang pagkanta, lalo na kung pasigaw o birit na pag-awit, ay naglalabas ng maraming aerosol particles at droplets – ang pangunahing sources ng coronavirus infections – sa hangin.