January 23, 2025

Babala ng DBM… MGA SCAMMER NAG-AALOK NG PROYEKTO KAPALIT NG PERA

Nagbigay ng babala ang Department of Budget and Management laban sa mga scammer na nagpapanggap na konektado sa departamento at nag-aalok ng kontrata sa gobyerno kapalit ng pera.

Inilabas ng DBM ang babala matapos maaresto ng National Bureau of Investigation ang walo umanong scammer sa isang entrapment operation noong Marso.

Ang walong naaresto ay bahagi ng scam na mangangako ng bilyong halaga ng kontrata para sa mga proyekto ng gobyerno kapalit ng P500,000 na suhol.

“Mariin po nating kinokondena ang ganitong klaseng gawain. Kapag may mga ganitong klase ng tao na lumapit sa inyo at sasabihing kaya nilang magpalabas ng pondo mula sa DBM, i-report po ninyo kaagad sa kinauukulan”, ayon kay DBM Secretary Mina Pangandaman.

Kasong Estafa at Usurapation of Authority ang isasampa ng mga awtoridad laban sa walong suspek, ayon sa DBM.

Maaring magpadala ng report o complaints ang publiko sa DBM public assistance office ([email protected]), o sa kanilang 8657-3300 local 2524 hotline, at sa pamamagitan ng Usapang Budget Natin Facebook page.

Ayon sa DBM, maaring direktang magsumbong sa NBI sa sa kanilang hotline na 8523-8231 to 38.