December 24, 2024

Babaeng ‘tulak’ kulong sa P100K droga sa Caloocan

UMABOT sa mahigit P.1 milyong halaga ng droga ang nasabat ng pulisya sa isang babae na tulak umano ng illegal na droga matapos matiklo sa buy bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Major Jeraldson Rivera, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ang naarestong suspek na si alyas “Ate Taba”, 28 ng Bisig ng Kabataan St. Brgy. 4.

Sa report ni Major Rivera kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, ikinasa nila ang buy bust operation laban sa suspek sa pangunguna ni P/Capt. Regie Pobadora matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities nito.

Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang inaresto ng mga operatiba dakong alas-10:23 ng gabi sa Blk 8, Salmon St. Brgy. 8.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 15 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P102,000.00 at buy bust money. Ayon kay PCpl Vanessa Compas, kasong paglabag sa Section 5 at 11 under Article II of R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang isasampa nila laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.