February 22, 2025

BABAENG SOUTH KOREAN NA WANTED SA RENTAL SCAM NADAKMA

INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa isang babaeng South Korean national na wanted sa mga awtoridad sa Seoul at Interpol dahil sa pagkakasangkot sa multi-million dollar real estate investment scam.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pugante bilang si Kim Jeonjung, 30, na nasakote noong Pebrero 18 sa kanyang bahay sa Paranaque City ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI.

Sinabi ni Viado na inaresto si Kim batay sa isang mission order na kanyang inilabas sa kahilingan ng gobyerno ng South Korea na humingi ng tulong mula sa BI sa pagtukoy at pagde-deport sa fugitive.

“Siya ay ide-deport upang harapin ang paglilitis para sa krimen na ginawa niya sa kanyang sariling bayan.” Siya ay ilalagay sa aming blacklist at pagbabawalan na muling makapasok sa bansa.” dagdag ni Viado.

Lumalabas sa record, si Kim ay subject ng Interpol red notice na inilathala noong Agosto 12, 2024 dahil sa warrant of arrest na inilabas laban sa kanya ng Suwon district court sa Korea kung saan siya ay kinasuhan ng fraud.


Inakusahan ng mga awtoridad ng Korea na si Kim at ang kanyang mga kasamahan ay nagsabwatan sa pag-recruit ng mga nominal na tagapangasiwa upang iwasan ang mga limitasyon sa pautang at makakuha ng actual ownership ng maraming gusali.


“They were said to have made victims sign lease agreements and used a non-capital gap investment method to acquire real estate without actual ownership,” saad ng BI.


Bilang resulta, ang mga suspek ay nakatanggap ng mga deposito sa pag-upa mula sa iba’t ibang mga nangungupahan na nagkakahalaga ng 7.5 bilyong won, o higit sa US$5.2 milyon sa pamamagitan ng large-scale rental fraud.


Sa pagsusuri sa travel record ni Kim, nakitang overstaying na siya dahil ang huling pagdating nito sa bansa ay noong Disyembre 21, 2023.


Kasalukuyang nakakulong si Kim sa BI Warden’s Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, habang hinihintay ang deportation proceedings nito.