January 26, 2025


Babaeng PUPC sa Navotas, namatay

BINAWIAN ng buhay sa pagamutan ang isang babaeng PUPC (persons under police custody) kaya hindi nabigyan ng pagkakataong maipagtanggol sa hukuman ang kinakaharap niyang kasong may kaugnayan sa ilegal na droga sa Navotas City.

Unang isinugod sa Navotas City Hospital noong Martes, dakong alas-6:30 ng gabi, Nobyembre 15, ang 33-anyos na PUPC matapos dumaing ng kahirapan sa paghinga subalit kinabukasan, inirekomenda na ng kanyang attending physician na ilipat siya sa Tondo Medical Center.

Gayunman, dakong alas-5:40 ng Biyernes ng madaling araw, nang ideklara ng attending physician sa naturang pagamutan na nalagutan na ng hininga ang babaeng PUPC.

Sa ulat na tinanggap ni Navotas police chief P/Col Dexter Ollaging, dumaranas ng mga sakit na Hyperthyroidism o thyroid at Polycystic ovary syndrome (PCOS) na isang uri ng hormonal disorder ang babaing PUPC.

Gayunman, isasailalim pa rin sa autopsiya ang bangkay ng babaeng PUPC upang alamin ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay.