December 24, 2024

Babaeng Czech national na wanted sa fraud at embezzlement nadakip ng BI

ARESTADO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babeng Czech national na wanted sa mga awtoridad ng Prague dahil sa kasong fraud at embezzlement.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang puganteng dayuhan na si Eva Sorelova, 48, na naaresto sa kanyang tinutuluyang bahay sa Coronado Street, Brgy. Guadalupe Viejo, Makati City ng mga elemento ng fugitive search unit (BI-FSU).

“She will be deported for being an undesirable and undocumented as her embassy confirmed that she does not hold a valid passport or travel document,” saad ng BI chief.

Dagdag ni Morente, kasama ang pangalan ng naturang Czech woman sa alert list ng mga wanted na pugante ng Interpol.

Napag-alaman na si Sorelova ay subject ng dalawang warrant of arrest na inilabas ng district court at municipal court sa Prague noong Hulyo 28 at Oktubre 9, kung saan siya ay inakusahan ng kasong aggravated fraud at embezzlement o pandarambong.

Kasalukuyang nakakulong si Sorelova sa BI warden facility sa Taguig City habang hinihintay ang order deportation ng board of commissioners ng Bureau.

Pagkatapos nito ay ilalagay siya sa immigration blacklist at pagbabawalang makapasok muli sa Pilipinas.