January 19, 2025

BABAENG CHINESE NA WANTED SA BEIJING NADAKMA SA NAIA


ARESTADO ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang babaeng Chinese na wanted sa mga awtoridad sa Beijing dahil sa pagkakasangkot sa human trafficking.

Sa ipinadalang report ni BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr. kay BI Commissioner Norman Tansingco, kinilala ang 39-anyos na pugante na si Zheng Yuyu na naharang sa NAIA Terminal 2.

Ayon kay Manahan, inaresto ng mga miyembro ng Border Control and Intelligence Unit (BCIU) sa pamumuno ni Dennis Alcedo si Zheng bago ito makasakay sa flight ng Philippine Airlines patungong Kuala Lumpur, Malaysia.

Ayon kay BI-BCIU overall deputy chief Joseph Cueto, si Zheng kasama ang isa pang Chinese na si Chen Dongxin ay inilagay sa BI’s wanted list simula pa noong Abril 9 ngayong taon dahil sa pagiging undesirable aliens.

Sinabi ni Cueto na ang mga kaso laban kina Zheng at Chen ay isinampa matapos ipaalam ng Chinese embassy sa Manila sa BI na ang dalawa ay pinaghahanap sa kanilang bansa dahil sa large-scale human trafficking.

Inakusahan ang mga ito ng umano’y pag-oorganisa ng mga tao upang iligal at palihim na tumawid sa mga hangganan ng teritoryo ng China.

Idinagdag pa ni Cueto na si Chen, na nananatiling nakalaya, ay isang undocumented alien dahil ang kanyang Chinese passport ay nag-expire na. Agad na dinala sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City si Zheng habang inihahanda ang pagpapatapon dito pabalik ng China. ARSENIO TAN