December 25, 2024

Babae pinagbabaril sa harap ng anak, todas

PATAY ang isang babae matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi kilalang suspek na sakay ng isang motorsiklo sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi

Agad nalagutan ng hininga sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Christine Joy Malasan, 35, ng Blk 2 Lot 135, Tupda Village, Brgy., 8 ng lungsod

Sa ulat nina PSSg Aldrin Mathew Matining at PCpl Ariel Dela Cruz kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, dakong alas-8:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng Jonahvee Store sa No. 1136 Salmon Street, Barangay 8, Caloocan City.

Lumabas s inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang biktima, kasama ang kanyang 13-anyos na anak na lalaki nang dumaan ito sa nasabing tindahan para bumili ng inumin at sigarilyo nang dumating ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo.

Kaagad bumaba ang backrider at naglabas ng hindi mabatid na kalibre ng baril saka nilapitan ang biktima at walang sabi-sabing pinagbabaril ang ginang sa harap mismo ng kanyang anak na nagresulta ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo patungo sa Sabalo Street habang agad namang rumesponde sa naturang lugar at nagsagawa ng follow up operation ang mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 4 subalit, bigo sila na maaresto ang mga salarin.

Patuloy naman ang follow up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa pamamaril sa biktima.