PATAY na at laslas ang leeg nang matagpuan ang 32-anyos na babae sa loob ng isang apartelle Miyerkules ng gabi sa Caloocan City.
Hindi muna pinangalanan ng pulisya ang 32-anyos na biktimang residente ng Urbano Velasco Avenue, Pinagbuhatan, Pasig City.
Nasalubong naman ng isang kawani ng PVP Bagsical Apartelle na nasa Phase 2 Package 2 Block 42, Lot 37, Brgy. 176 Bagong Silang ang suspek sa pamamaslang nang marinig niya ang sigaw ng biktima na humihingi ng tulong pasado alas-7:00 ng gabi subalit, bumalik siya nang makita ang mga patak ng dugo sa kanyang daraanan bago ipinaalam sa barangay ang insidente.
Sa report ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, rumesponde sa lugar sina P/SSg Archie Galang at P/SSg. Coleen Deang ng Bagong Silang Police Sub-Station 13 matapos i-ulat sa kanila ng barangay ang pagkakatuklas sa duguan at nakabulagta ng bangkay ng babae sa loob ng Room S103 sa naturang apartelle, dakong alas-7:45 ng gabi.
Sa imbestigasyon nina P/SSg Michael Formento at P/Cpl. Bayani Auditor, Jr., may hawak ng kaso, alas-3 ng hapon nang mag-check-in ang biktima, kasama ang lalaking hinihinalang may kagagawan ng pagpatay sa naturang apartelle.
Bukod sa laslas ang leeg, may nakita ring malalim na hiwa sa palasinsingang daliri sa kaliwang kamay ng babae, na inaalam pa ng Forensic Unit ng NPD kung sanhi ng panlalaban o sadyang hiniwa ng salarin.
Sinabi ni Col. Lacuesta na nakuha sa loob ng silid na kinaganapan ng pagpatay ang siyam na pulgadang patalim na may bahid pa ng dugo, isang laruang pistolang baril, dalawang sirang android cellular phone, bag pack na naglalaman ng personal na gamit ng biktima, kabilang ang wallet na may lima niyang government ID at isang employee ID.
Iniutos na rin ni Col. Lacuesta sa mga imbestigador ang pagsusuri sa mga nakakabit na CCTV, hindi lamang sa hallway ng apartelle, kundi maging sa lansangang dinaanan ng suspek upang matukoy kaagad ang pagkakakilanlan na magiging daan sa agaran niyang pagkakadakip.
More Stories
ZERO BUDGET DESERVE NI VP SARA – ESPIRITU
IMEE, VILLAR UMABOT NA SA P1-B ANG GASTOS SA POLITICAL ADS
KUWAITI NATIONAL UMAMIN SA PAGPATAY SA OFW