December 24, 2024

Ayuda tiniyak sa mga OFW na namatay sa pagsabog sa Abu Dhabi

TINIYAK ng Department of Labor and Employment (DOLE) na makatatanggap ng tulong pinansyal ang mga pamilya ng dalawang overseas Filipino worker (OFW) na namatay sa isang gas explosion sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang dalawang biktima na sina Clark Bacud Gasis at Merriner Goc-ong Bertoces ay makatatanggap ng P120,000 bereavement assistance bawat isa mula sa gobyerno.

“Makatatanggap rin sila ng insurance benefit kung kuwalipikadong miyembro sila ng Overseas Workers’ Welfare Administration,” dagdag pa ni Bello.

Sinabi ni Bello na handa ang OWWA na magbigay ng karagdagang tulong na pinapayagan sa ilalim ng batas para sa mga pamilya ng biktima.

“Magpapaabot kami ng lahat ng tulong at suporta na maaaring ibigay ng pamahalaan,” ayon pa kay Bello.

Sa ulat mula sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Abu Dhabi, isinaad nito na mayroong kabuuang 10 Pilipino, kabilang ang dalawang bata, ang naapektuhan sa insidente na dahil umano sa nag-leak na gas sa loob ng Kentucky Fried Chicken (KFC) restaurant sa Airport Road noong Agosto 31.

Ang naturang pagsabog ay nagresulta sa pagkamatay ni Gasis, 39, isang electrical draughtsman mula sa Surigao del Sur at Bertoces, 26, isang empleyado ng KFC sa Abu Dhabi mula sa Negros Oriental.

Nagresulta din ang pagsabog sa pagkakasugat ng walong iba pang Pilipino.

Anim sa kanila ang agad na dinala sa Sheik Khalifa Medical Center (SKMC) upang agarang magamot.

Lima naman sa nasugatan ang agad ring nakalabas ng pagamutan habang ang isang kinilalang si Rodel Paclibar ay nananatili pa sa ospital para sa karagdagang gamutan at obserbasyon.

Nang dalawin at makapanayam ng mga opisyal ng POLO sa SKMC, sinabi ni Paclibar, isa ring empleyado ng KFC-Abu Dhabi, na ipinaaabot niya sa kanyang supervisor ang kondisyon ng gas tank noong naganap ang pagsabog.

Samantala, napag-alaman rin ng mga opisyal ng POLO na ang dalawang batang Pilipino — isang two-month old at three-month old – ay nasugatan rin sa naturang insidente ngunit ligtas na at malayo sa kapahamakan.

Mayroong kabuuang 28 katao kasama ang ibang mga dayuhan ang kabilang sa naturang pagsabog ayon sa ulat.