January 1, 2025

AYUDA SA ATLETA TULOY – PAGCOR

IPINAHAYAG ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na patuloy ang paglalaan ng pondo sa sports development program ng bansa, sa kabila ng malaking kabawasan sa kabuuang kita ng ahensiya dulot ng pandemya.

Ayon kay PAGCOR Chairman Andrea Domingo, malaking dagok sa ekonomiya, kabilang ang programa ng ahensiya, simula nang ipatupad ang lockdown at quarantine status para malabanan ang pandemya, ngunit hindi ito dahilan para mawalan ng ayuda ang mga atletang Pinoy.

Sa katunayan, ang tagumpay ng Team Philippines sa katatapos na Tokyo Olympics, kung saan nasungkit ng bansa ang makasaysayang gintong medalya mula kay weightlifter Hidilyn Diaz, dalawang pilak mula kina boxers Nesthy Petecio at Carlos Paalam at isang tanso mula kay Eumir Marcial, gayundin sa iba pang nilahukang international competition ng atletang Pinoy ay bunga, aniya, ng walang humpay na paglalaan ng PAGCOR ng pondo sa pamamagitang ng Philippine Sports Commission (PSC) para tustusan ang pagsasanay at paglahok sa abroad ng mga atleta.

Mula 2016 hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan, kabuuang P7.37 billion ang nai-remit ng ahensiya sa PSC. Sa naturang halaga, P7.10 billion ang direktang ibinigay ng PAGCOR sa PSC batay sa Republic Act (RA) 6847.

Umabot naman sa P276.23 million ang nailabas bilang insentibo sa mga atleta na nagwagi sa malalaking international competition, tulad ng SEA Games, Asian Games at Olympics, batay na rin sa RA 10699 o ang  National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.

Iginiit ni Domingo na buo ang tiwala ng pamahalaan sa lakas, determinasyon at galing ng atletang Pinoy kung kaya maging sa panahon ng paghihikahos ay hindi isinakripisyo ng PAGCOR ang suporta na nakalaan sa mga atleta na bahagi ng mandato ng ahensiya.

“We salute all Filipino sports heroes who are deeply driven by their desire to win and bring honor to the country. Their sacrifices and patriotism inspire us not only to stay committed to our duties but to also to continuously improve our performance and go the extra mile for our country,” pahayag ni Domingo.

Bago ang pandemya, naibibigay ng PAGCOR sa PSC ang buwanang P124.27 million.

Naibigay rin, ayon kay Domingo, sa PSC ang P1 billion financial support para sa hosting ng 30th Southeast Asian Games (SEAG) noong December 2019 sa Manila kung saan nakamit ng bansa ang overall championship.

Hiwalay pa, aniya, ang P842.5 milyon para sa pagsasaayos ng sports facilities sa Rizal Memorial Coliseum (RMC) at Ninoy Aquino Stadium (NAS) sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Manila, gayundin ang Philsports Complex Multipurpose Arena (PCMA) sa Pasig City.

Sa gitna ng krisis nitong 2020, kabuuang P712.38 milyon ang naibahagi ng PAGCOR sa sports program ng pamahalaan. At nitong unang quarter ng 2021, naibigay ng ahensiya ang P354.04 milyon. Bukod dito, inaayudahan din ng PAGCOR ang iba pang programa ng mga pribadong sports entity tulad ng “Kasibulan” Grassroots Football program ng Philippine Football Federation (PFF).