November 3, 2024

Ayuda para sa Marikina mula kay Gatchalian

Binisita ni Senator Win Gatchalian ang mga nasalanta ng bagyong Ulysses na sa mga evacution center sa Hermogenes Elementary School  at Malanday Elementary School  sa lungsod ng Marikina upang mamigay ng ayuda. DANILO ECITO

BINISITA ni Senador Win Gatchalian ang lungsod ng Marikina ngayon para makita ang kalagayan ng mga nasalanta ng bagyong Ulysses.

Bilang chairman ng Senate Committee on Energy, aalamin din ni Gatchalian ang estado ng suplay ng kuryente sa lugar.

Napag-alaman ng senador na patuloy pa rin ang panaka-nakang suplay ng kuryente pati na rin ang koneksyon ng internet sa lungsod dahil lubog pa rin ang ilang nasasakupan nito sa makapal na putik, ilang araw matapos ang pananalasa ng bagyo.

“Ramdam natin kung ano ang pinagdadaanan nila sa ngayon, lalo na kung napagdaanan din nila ang  pagbaha ng bagyong Ondoy 11 years ago. Mas malala ang sitwasyon ngayon dahil sa  iniinda nating pandemya dulot ng COVID-19. Malaking hamon ito kaya kailangang tutukan ang mga pangangailangan nila para madali silang makabangon at makabalik sa normal nilang pamumuhay,” ayon sa senador.

Nakipagkita si Gatchalian kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro upang suriin ang pagsasaayos ng pagpapanumbalik ng linya ng kuryente at para na rin magpaabot ng tulong sa mga nasasakupan nito.

Pinasinayaan ni Gatchalian ang pamimigay ng food packs na naglalaman ng ilang kilong bigas, canned goods, at noodles. Nagbigay din siya ng face shields at tsinelas para sa higit dalawang libong pamilya.

Personal na ipamamahagi ni Gatchalian ang ayuda para sa halos limang daang pamilyang pansamantalang nananatili sa H. Bautista Elementary School at higit anim na raang pamilyang nakasilong ngayon sa Malanday Elementary School.

Bukod dito, binigyan din ng tulong ng senador ang humigit kumulang na 1,000 evacuees na nanunuluyan sa Nangka Elementary School and Concepcion Integrated School.

Bukod sa pagsasailalim sa state of calamity, idineklara rin ni Teodoro ang suspensiyon ng klase sa lahat ng antas sa public at private schools sa Marikina para makapagbigay daan sa isinasagawang rehabilitasyon ng lungsod.

Ang pagsasailalim ng Marikina sa state of calamity ay para bigyan ng pagkakataon ang lokal na pamahalaan na makakuha ng kanilang calamity fund at para mapabilis ang rehabilitation efforts pati na rin ang pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong residente sa lugar.