November 24, 2024

AYUDA AT MASS TESTING, HINDI DEMOLISYON – KADAMAY

Nagtipon-tipon sa harap ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa kahabaan ng Recto Avenue sa Maynila ang mga miyembro ng Kadamay kasama ang ibat’ibang grupo upang mananawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang mga demolisyon sa kanilang komunidad sa panahon ng COVID-19 pandemic. (JHUNE MABANAG)

“Tutulan ang demolisyon sa gitna ng pandemya! Itigil ang mga atake sa maralita. Tuloy-tuloy na ayuda ibigay na!

Ito ang sigaw ng mga miyembro ng Kadamay kasama ang iba’t ibang grupo kasabay ng kanilang pagmamartsa tungong Mendiola ngayong araw, Oktubre 12, upang ipanawagan ang pagtutol ng demolisyon sa komunidad ng mga maralita sa gitna ng pandemya.

Giit din nila ang kagyat na tulong sa kalusugan at tuloy-tuloy na ayuda.

Tumindig ang mga miyembro ng Kadamay at iba pang grupo sa kanilang panawagan at sa kanilang paniningil sa administrasyong Duterte sa kanya umanong pagpapabaya at pagpapahirap sa kanilang sektor higit sa gitna ng pandemya.

Ayon sa Kadamay, sa kasalukuyan ay mayroon 8 komunidad ang may banta ng demolisyon, ilan sa mga ito ay sa Legazpi Intramuros, Komunidad sa UP at Tondo.

“Hindi makatao ang tanggalan mo ng panirahan ang naghihirap na ngang mamamayan sa gitna ng Pandemya. Hindi dapat ito payagan ng ating gobyerno dahil lantarang pagpapahirap ito sa ating mga kababayan na wala na ngang makain, wala na ngang kabuhayan tatanggalan pa natin ng bahay. Sobra na ang kahirapan at pambubusabos na dinadanas ng maralitang lungsod,” daing ng Kadamay.

“Ang maralitang lungsod ang isa sa pinakabulnerable sektor na naapektuhan ng COVID pero hindi sila lahat ay nakatanggap ng ayuda. Kaisa nila ang mga kabataan sa panawagan ng tuloy tuloy na ayuda at access sa serbisyong pangkalusugan. Ito ang dapat tugunan ng administrasyong Duterte,” dagdag pa nito.

Ayon naman sa Kabataan Partylist, sa ilalim ng militaristikong lockdown ni Duterte, kaliwa’t kanan na atake sa karapatan ng maralitang lungsod ang kanilang dinanas. Kalakhan ng mga ikinulong dahil sa paglabag ‘di umano sa ECQ Protocols ay mga maralitang lungsod.

Sa tala ng PNP, higit 200,000 ang lumabag sa ECQ Protocols. Kalakhan sa mga ito ay ikinulong at pinagbayad pa ng multa.

“Panawagan natin sa administrasyong Duterte na itaguyod ang karapatan ng mga maralitang lungsod. Wag sila lalong pahirapan pa. Nararapat na tumindig si Duterte kasama sila. Dapat itigil na ang mga demolisyon. Dapat bigyan na sila ng tuloy-tuloy na ayuda at hanap-buhay. Bigyan din sila ng libreng serbisyong pangkalusugan sa gitna ng pandemya. Hinahamon natin ang administrasyong Duterte na tumindig at dinggin ang mga panawagan ng maralitang lungsod,” ayon sa Kabataan Partylist.