Pinag-aaralan at pinaghahandaan na ng Commission on Elections (Comelec) ang posibleng automation ng dalawang eleksyon sa 2025 matapos ang naging desisyon ng Korte Suprema para bigyan ng ‘go signal’ ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong taon.
Sa Laging Handa public briefing, inihayag ni Comelec chairperson George Erwin Garcia ang posibleng pagbabago sa mga orihinal na plano nito, lalo na sa pag-oorganisa sa malawak na saklaw ng automation.
“Mukhang magdadagdag po at magkaroon tayo ng dagdag na budget para diyan at kinakailangan na pong pagdesisyunan kung ang December 2025 BSKE ay kailangan na rin nating gawing automated. Siyempre, magkakaroon po ng dagdag na gastos para diyan,” wika niya.
Samantala, sinabi ng Comelec na plano nito na magsagawa ng pilot test ng automated BSKE sa District 6 sa Quezon City at Dasmariñas sa Cavite sa Oktubre 30.
Ayon sa poll body, kapag naging matagumpay ang pilot test, maaring magiging automated na ang BSKE.
“Sa part po ng Comelec, medyo mas mabigat po iyong aming gagawing paghahanda sapagkat papatak po na dalawa ang eleksiyon na gagawin ng Comelec sa 2025 — iyon pong May 2025 national and local elections na automated at pagkatapos po iyong December na Barangay and SK Elections po na sinasabi ng ating Korte Suprema,” aniya.
Una nang naglabas ang SC ng desisyon na nagdedeklara na labag sa batas ang pagpapaliban ng BSKE.
Nakasaad din na kailangan isagawa ang BSK polls sa unang Lunes ng Disyembre 2025, at kada tatlong taon pagkatapos.
More Stories
TRILLANES TUTURUAN NG LEKSYON NI DIGONG
CALINISAN BAGONG NAPOLCOM COMMISIONER
CATANDUANES, CAMARINES SUR SIGNAL NO. 5 KAY PEPITO