December 24, 2024

ATTEMPTED HOMICIDE VS DRIVER NA KUMALADKAD SA MMDA ENFORCER

Ryan San Juan

DESEDIDO ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kasuhan ng attempted homicide ang driver ng pulang sasakyan na kumaladkad sa traffic enforcer sa Taguig City.

“Nagpunta po kanina ‘yung driver ng sasakyan dahil nagpapaliwanag at humihingi ng tawad. Anyway, kahit siya po ay humingi ng tawad sa amin, it will not affect ‘yong pagfa-file po natin ng kaso. In fact, we already filed complaint sa LTO [Land Transportation Office],” ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes.

“In the coming days, we are preparing ‘yung criminal complaints. ‘Yong legal [team] po namin ang gumagawa. Baka nga po mag-file kami ng attempted homicide dito po sa driver ng nasabing sasakyan,” dagdag niya.

Ayon sa enforcer, hindi marunong makipag-ugnayan ang driver mula sa simula dahil ito ay nakikipag-argumento at nagmamadali.

“Pagdating sa akin sinubukan ko siyang pahintuin para tanungin kung anong nangyaring sa kanilang dalawa. Pero sinigawan niya ako na nagmamadali siya,” ayon sa enforcer.

Sa kumakalat na viral video ngayon, nakita ang pagsampa ng isang traffic enforcer sa hood ng pulang sasakyan upang pigilan na makatakas ang driver hanggang sa nakaladkad ang biktima.’

Masuwerteng hindi nagtamo ng malubhang pinsala ang traffic enforcer at inihayag na hindi makikipag-areglo sa driver na kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya.

Sinabi ni Artez may intent to kill sa insidente dahil sinasadyang ihulog ng driver ang MMDA habang nakasabit ito sa umaandar na sasakyan.

Puwede aniyang mabagok at masagasaan ang enforcer.