December 24, 2024

ATHLETE/COACH LEN ESCOLLANTE, EXCELLENTE!

NAGPAKITANG-GILAS sa larangan ng palakasan ang pride ng Tacloban sa Leyte na si Len Escollante noong dekada ’90. Isa sa pambatong volleyball player ng Polytechnic University of the Philippines.

Naging miyembro si Escollante ng national women’s team na humataw ng volleyball bronze medal noong 1991 Southeast Asian Games Manila kasunod ng ginto sa SEAGames Singapore1993 kung saan ay tinanghal siyang best setter- karangalang di na nasundan pa dahil sa komprehensibong paglakas sa laro ng mga karibal na bansang Thailand, Indonesia at Vietnam.

Taong 1997 nagpasiyang lisanin ni Len ang kanyang first love na volleyball upang sumabak sa ibang larangan bilang atleta ng canoe-kayak. Pasiklab si Escollante sa pagsagwan ng unang silver medal para sa Pilipinas ka-dobol ang Dumagueteñang si Yvette Bantillan sa prestihiyosong Myanmar SEA Canoe Kayak Championship 1999.

Kasabay ng kaniyang pagpa-detail sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas, naging miyembro si Escollante ng Philippine Navy Dragonboat team na nagtagumpay sa 2000 Ericsson California International Dragonboat Championship sa Tampa Bay na ipinagbunyi ng Pilipinas dahilan upang ma-promote ng one rank higher ang mga naging bagong bayani ng bayan. Si PNSW1 Escollante ay muling nagpakitang-gilas sa canoe kayak sa paghablot ng bronze noong 2001 Asian Cup sa Teheran, Iran.

Noong 2003 ay naging playing coach na siya ng canoe kayak at dragonboat kung saan ang kanyang mga manlalaro ay mga military athletes at tuklas niya sa mga malayong sulok ng kapuluan tulad ng Davao del Sur , Leyte maging sa Norte at mga taga – riverbanks ng Rizal na nagpabago sa kanilang buhay dahil sa sports.

Bukod sa misyong makapag-ambag ng karangalan sa bansa, naging adbokasya na ni coach Len ang pagkaloob ng oportunidad at pangarap sa mga potensiyal na atleta para sa dragonboat at canoe kayak na na- scout niyang dati ay nangangarap lang na makaahon lang sa hirap pero ngayon ay tumatamasa na ng katanyagan at gaan ng pamumuhay.

Napakasarap ng pakiramdam ang makatulong ka sa kapwa at nakapaglilingkod pa sa ating bansa”, saad ni coach Len na nagpaabot ng pasasalamat sa kalinga na kaloob ng Philippine Sports Commission sa team at sa kanilang NSA na Philippine Canoe Kayak and Dragonboat Federation na pinamumunuan sa kasalukuyan ni PCKDF president Teresita Uy na bagong kapamilya sa Olympic movement ng Philippine Olympic Committee sa timon ni president Rep.Abraham ‘Bambol’ Tolentino.

Pinakatampok sa makinang na buhay-sports ni coach Len ay ang mahirap nang pantayang 4-gold medal haul ng Philippine Dragonboat team noong 2010 ICF International Dragonboat Championship sa Moscow, Russia. ” Matindi ang laban namin sa Russia dahil ang kalaban bukod sa lakas ng mga katunggali ay ang super-lamig ng kalikasan.Bilang coach ay kailangang umisip ng matinding diskarte .

We defied all odds dahil sa PUSO at likas na tapang ng ating magigiting na Filipino paddlers”, wika ng premyadong coach at miyembro na ngayon ng PCKDF Board na ang ultimong pangarap ay ang mag-qualify ang kanilang mga atleta para sa Tokyo Olympics sa susunod na taong 2021 sa Japan.

Malayo pa at marami pang isasagwang tagumpay si Coach Len sa larangan ng palakasan para sa bayan..ESCOLLANTE PAR EXCELLENCE!