November 19, 2024

ASO, PUSA IBA PANG PET PUWEDE NA SA LRT

Simula sa Pebrero 1, ang mga maliliit na alagang hayop ay maaaring sumakay sa mga tren ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) kasama ang kanilang mga may-ari.

Ito ang inihayag ni Light Rail Transit Line Authority (LRTA) administrator Hernando Cabrera, na nagsasabing ang hakbang ay naglalayong gawing “pet-friendly” ang sistema ng tren.

Ngunit nagpaalala ang management ng tren na ang mga alagang hayop ay dapat na fully vaccinated, ilagay sa loob ng kanilang mga carrier o kulungan, at dapat magsuot ng diaper kapag nakasakay sa mga tren.

Dagdag pa nito na ang mga small pets lamang ang pinapayagang sumakay ng tren.

Sa kasalukuyan, ang Light Rail Transit Line Authority (LRTA) ay namamahagi ng mga information materials at nagbibigay ng briefing sa kanilang mga security personnel tungkol sa bagong patakaran na ipapatupad.