December 25, 2024

Asahan sa susunod na linggo… P6 SA DIESEL

SAKIT sa ulo ang muling mararanasan ng mga motorista at ng bawat tahanang Filipino dahil sa inaasahang muling pagpapatupad ng mga kompanya ng langis ng malaking dagdag-presyo sa produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Ayon sa pagtaya ng ilang industry sources papalo sa pagitan ng P6.00 hanggang P6.20 bawat litro ang pagtaas sa diesel.

Sa kerosina naman ay sa pagitan ng P3.50-P3.70 kada litro, habang sa gasolina ay nasa P1.20-P1.4o per liter.

Sa darating na Lunes malalaman pa ang pinal na paglalabas ng presyuhan ng mga oil companies bago naman ipatupad ang oil price hike sa araw ng Martes.

Ayon kay Oil Industry Management Bureau director Atty Rino Abad, sinabi nito na malaking epekto ang naging desisyon ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC+) na bawasan sa kada araw ang kanilang produksiyon ng hanggang dalawang milyon ng crude oil per day na ipapatupad simula sa buwan ng Nobyembre.

Ito ay katumbas ng 2% ng global supply ng krudo.

Sinasabi rin kasi na mayroon daw oversupply ng krudo kaya nais itong tanggalin ng OPEC+.

“Mukhang malakihan ito at nabigla ang market at ito na, nagkaroon ng malaking increase sa international trading price sa week na ito na siyang nag-cause nitong mga estimate na magiging effective next week,” ani Atty Rino Abad.

Kabilang pa sa pangunahing dahilan ng oil price increase ay bunsod din sa interest hikes na ipinatupad ng Amerika at nagsunuran na rin ang maraming mga bansa. Layon naman nito ay mapababa pa ang economic activity kasama na ang fuel consumption.