April 20, 2025

ARMAS AT GRANADA, LANTARAN SA KALSADA! 2 Lalaki Timbog sa Malabon—Walang Lihim na Nakalusot sa mga Alisto

SWAK sa kulungan ang dalawang lalaki matapos inguso sa pulisya na may bitbit na baril habang gumagala sa lansangan sa Malabon City.

Mahaharap ang mga suspek na sina alyas “Henry”, 51, at alyas “Mike”, 43, kapwa residente ng Phase 4 Flovi 4, Brgy. Tonsuya, sa kasong paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act) in Relation to B.P 881 (Omnibus Election Code) at RA 9516 (Illegal possession of explosive).

Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan hinggil sa dalawang lalaki na kapwa armado umano ng baril habang gumagala sa A. Roque St. Brgy. Tonsuya dakong alas-3:00 ng madaling araw.

Kaagad namang rumesponde ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) kung saan nakita nila ang dalawang lalaking inilarawan ng impormante na may bitbit na baril habang naglalakad sa lugar.

Maingat nilang nilapitan ang mga suspek sabay nagpakilala bilang mga pulis at pinigilan ang mga ito bago kinumpiska kay alyas Henry ang hawak na isang kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala at nang kapkapan ay nakuha pa sa kanya ang isang granada.

Nakuha rin kay alyas Mike ang isang kalibre .38 revolver na kargado din ng apat na bala at nang hanapan sila ng kaukulang mga dokumento hinggil sa legalidad ng naturang mga armas ay walang naipakita ang mga suspek na naging dahilan upang bitbitin sila ng mga tauhan ni Col. Baybayan.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan ang Malabon police sa kanilang agarang pagtugon at matatag na dedikasyon sa pagtataguyod ng batas.