June 7, 2025

Lalaking pinasakan ng bote ang ari ng buntis na misis, nasakote sa Cainta!

Natimbog na ng mga awtoridad ang isa sa mga pinakakinatatakutang kriminal sa lalawigan ng Rizal — si Alyas “Allan”, 52-anyos, foreman, at residente ng Brgy. San Juan, Cainta — na sinasabing brutal na nang-abuso sa kanyang buntis na asawa sa isang kasong halos hindi maisalarawan sa tindi ng kalupitan.

Dakong alas-2:10 ng hapon noong Miyerkules, Hunyo 5, 2025, naaresto si Alyas Allan sa Brgy. Sto. Domingo ng mga tauhan ng Cainta Municipal Police Station sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Qualified Object Rape — isang krimeng may kaakibat na piyansang P200,000.00.

Ayon sa imbestigasyon, noong Disyembre 31, 2008, ay isinagawa umano ng suspek ang karumal-dumal na panggagahasa sa sarili niyang buntis na misis sa pamamagitan ng pagpasak ng bote sa maselang bahagi ng katawan nito. Ang insidente ay nagresulta sa matinding pagdurugo, impeksyon, at pinsala sa sanggol sa sinapupunan.

Sa ngayon, nakakulong na ang suspek sa Cainta Custodial Facility habang inaasikaso ang mga legal na proseso. Inabisuhan na rin ng mga pulis ang korte na nagpalabas ng warrant ukol sa matagumpay na operasyon.

Patuloy ang panawagan ng Rizal PNP sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang tuluyang matuldukan ang ganitong klase ng karahasan sa kababaihan at mapanatili ang katahimikan sa komunidad.