November 24, 2024

Ardot Parojinog patay sa loob ng selda (Walang foul play?)

WALA nang buhay nang matagpuan sa loob ng kanyang selda sa Ozamiz City Police Station ngayong Biyernes ng umaga si dating Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog.

Nasawi si Ardot ilang oras bago ang inaasahang pagdalo sa pagdinig ng korte dahil sa kanyang mga kaso kabilang na ang murder na isinampa laban sa kanya.

Dakong alas-6:00 ng umaga nang matagpuan ang katawan ni Parojinog na walang senyales ng karahasan.

Pinaiimbestigahan na ni PNP chief Police General Camilo Pancratius Cascolan ang pagkamatay ni Parojinog.

Inatasan ni Cascolan si Police Regional Office-10, Police Brigadier General Rolando Anduyan na agad ding isailalim sa restrictive custody ang Ozamiz City Police chief at lahat ng pang-gabing pulis na naka-duty sa police station.

Kasabay nito, ipinag-utos din ni Cascolan na isailalim sa imbestigasyon ang chief ng Ozamis PNP Custodial Center na si PLt. Col. Jiger Noceda. Iniimbestigahan na rin ng Crime Laboratory SOCO at Criminal Investigation and Detection Unit sa Misamis Occidental ang naturang insidente.

May kinalaman sa sakit?

Sa isang panayam, sinabi ni Anduaya na mahina na si Parojinog nang dumating sa Ozamiz City Police Station.

Inaalam pa nila kung may kinalaman sakit ang pagkamatay ni Parojinog.

“Hanggang ngayon iniimbestigahan natin. Baka mamaya anong sakit ‘yung mayroon siya hindi natin alam kasi nanggaling siya diyan sa Manila,” saad ni Anduyan.

“Kasama sa imbestigasyon natin ‘yan. ‘Yun din ang tinatanong ko sa mga tao natin, inaalagaan din natin ‘yan kasi medyo kilalang tao ‘yan. Hindi natin alam kung nalulungkot siya siyempre sa kaso na inaabot niya, medyo matamlay noong dumating…” dagdag pa niya.

Si Parojinog ay kapatid ng dating alkalde na si Reynaldo Parojinog Sr., na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga.

Namatay ang naturang alkalde sa isang madugong raid noong Hulyo 2017.

Bukod kay Reynaldo Parojinog, namatay ang kanyang asawa at 13 iba pa. Habang inaresto naman sina Nova Princess at Reynaldo Jr.

Pinauwi sa Pilipinas si Ardot Parojinog noong Hulyo 2018, dalawang buwan matapos maaresto sa Taiwan nang tumakas matapos ang isinagawang pagsalakay sa compound ng mga Parojinog.

Inakusahan ni Duterte ang pamilya Parojinog na sangkot sa ilegal na droga, na nag-alok ng P5 milyon para maaresto si Ardot.