January 23, 2025

APPROVAL RATING NI PBBM, VP DUTERTE BAHAGYANG TUMAAS

Bahagyang tumaas ang approval at trust ratings nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte noong Disyembre 2023, ayon sa inilabas na survey ng Pulse Asia nitong Lunes, Enero 8.

Base sa 2023 fourth quarter survey ng Pulse Asia, tumaas ng tatlong puntos ang approval rating ni Marcos, kung saan mula sa 65% noong Setyembre 2023 ay naging 68% ito nitong Disyembre.

Isang puntos naman daw ang itinaas ng approval rating ni Duterte, mula 73% noong ikatlong quarter ng taon ay naging 74% ito noong huling quarter ng 2023.

Bagama’t tumaas ang approval ratings ng dalawang top officials, inihayag ng Pulse Asia na ang naturang paggalaw ay hindi umano makabuluhan dahil daw sa ± 2.8% na error margin para sa nasabing national findings.

“The overall performance scores of the country’s leading government officials remain essentially unchanged between September 2023 and December 2023 although there are several marked movements across geographic and socio-economic subgroupings,” anang Pulse Asia.

Pagdating naman sa trust ratings, naging 73% ang natanggap ni Marcos noong Disyembre 2023, dalawang puntos na mas mataas kaysa sa 71% na rating niya noong Setyembre.

Umakyat naman sa 78% ang overall trust rating ni Duterte noong Disyembre, tatlong puntos ang itinaas mula sa 75% na rating niya noong Setyembre ng nakaraang taon.

Samantala, iginiit din ng Pulse Asia na hindi “statistically significant” ang naturang mga pagtaas ng trust ratings dahil daw sa ±2.8% margin of error ng survey.

“Public opinion regarding the trustworthiness of the top national government officials hardly changed between September 2023 and December 2023, both at the national level and across subgroupings,” saad ng Pulse Asia.

Isinagawa umano ang nasabing survey mula Disyembre 3 hanggang 7, 2023 sa pamamagitan ng pakikipanayam sa 1,200 respondents na may edad 18 pataas.