January 23, 2025

Apela ni Mayor Isko sa mga officer worker: ‘Wag kumain nang sabay-sabay

“WAG kumain nang sabay-sabay and limit your social interaction.”

Ito ang apela ni Mayor Isko Moreno sa mga residente ng Maynila na nakabalik na sa kanilang trabaho, matapos makarating sa kanyang opisina na karamihan sa mga tinamaan ng COVID-19 ay mga office worker.

Madali umano silang mahawa ng naturang sakit dahil nakasanayan na nila ang magkwentuhan habang sabay-sabay na kumakain.

 “Tayong mga Pilipino sanay kumain nang sabay-sabay. Matuto na po tayong mamuhay sa workplace nang tayo lang mag-isa. Kung di rin lang kapaki-pakinabang ang sasabihin natin sa kapwa, ‘wag na tayo magusap-usap muna and go home straight,” ayon  kay Moreno.

Nanawagan din ang naturang alakde sa mga kabataan na sikapin na huwag malantad sa impeksyon at iuwi ang virus sa nakatatandang miyembro ng pamilya.

“Wag kayong magbarakadahan sa kalsada, ‘wag mag-mall. Di ba kayo nababagabag na tayo ay makakapaminsala sa ating mga magulang o lolo, lola nating me edad na naghihintay sa atin sa bahay dahil tayo ang may dala ng virus. Stay home as much as possible. Iwasan ang laro-laro, barka-barkadahan sa kalsada,” giit ni Moreno.

Napag-alaman din ng naturang alkalde kay Vice Mayor Honey Lacuna, na siyang charge sa mga pinapatakbong ospital ng siyudad, na hindi mga nurse o doktor  na lantad sa COVID-patient ang kadalasang nahahawa sa virus kundi ang mga administrative staff nito.

Ito aniya ang kinumpirma ng dalawang hospital director na nagsabing binabalewala ng mga administration staff ang babala at nagawa pang kumakain nang sabay-sabay.

Natural lamang na tanggalin nila ang kanilang face mask habang kumakain at ilang oras nagkukuwentuhan na nakaupo nang magkatapat o magkaharap sa isa’t isa.

Ikinalungkot din ng isa pang director ang pangyayari nang i-post sa social media ng kanilang hospital staff ang pagpunta sa mall para kumain na hindi sinunod ang tamang distansiya.

Ani ng direktor, ito ay isang masamang halimbawa  sa kanilang kapwa manggagawa at sa mga nakakita ng kanilang post, lalo na’t sila ay mga taong-gobyerno at dapat maging magandang modelo sa iba.