November 3, 2024

Anti-Drug Abuse Council sa lahat ng LGU, isinusulong ni Bato

ISUSULONG ni Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na magkaroon ng anti-drug abuse council (ADAC) sa lahat ng local government unit mula provincial level hanggang barangay level.

Inihain ni dela Rosa ang Senate Bill No. 1952 kung saan itatag nito ang ADAC at magkaroon ng pondo.

“The ADAC will act as the main implementing organs for the prevention, rehabilitation and monitoring of drug dependency cases,” sambit ni Dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.

Sa panukalang batas, ang isa sa mga tungkulin ng ADAC ay “maglingkod bilang isang mekanismo sa pangangalap ng impormasyon na susubaybayan at iulat sa mga naaangkop na awtoridad na kahina-hinalang mga personalidad, pasilidad at aktibidad sa loob ng kanilang nasasakupan.”

“This was effectively implemented in Davao City during the mayoralty of President Duterte. Similarly, Senate President Vicente Sotto III also founded the Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council when he was still the Vice Mayor of the said city,” ayon kay Dela Rosa sa isang pahayag.


Sa nakalap na datos mula sa Philippine Drug Enforcement Agency, binigyang diin nito na 15,388 barangay ang nanatiling apektado ng ilegal na droga. Ito’y may equivalent na 36.6% sa kabuang 42,045 barangay sa buong bansa.

Ayon pa sa dating hepe ng Philippine National Police, na nanguna sa kontrobersiyal na war on drugs ng administrasyong Duterte, mahigit sa 18,000 barangay ang nasugpo ang droga mula Hulyo 2016 hanggang Mayo 2020.

Sinabi ni Dela Rosa na siguraduhin ng kanyang panukalang batas na lahat ng LGUs ay malaya sa iligal na droga.

Inulan ng kritisimo ang anti-illegal drugs campaign ng administrasyon mula sa local at international human rights advocates na nagsasabing umabot sa 27,000 ang death toll ng drug war.

Pero sa datos ng pamahalaan nitong Nobyembre 2020, nasa 6,000 drug suspects lamang ang napatay sa bansa at higit sa 259,000 ang naaresto simula 2016.