November 24, 2024

ANTI-COLORUM OPS NG I-ACT, PINALAKAS


PINALAKAS pa ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) ang isinasagawang random anti-colorum operation upang habulin at mapatawan ng kaukulang parusa ang mga operator ng mga colorum na sasakyan ngayong panahon ng pandemya.

Sa weekly forum kahapon ng Southern Metro Manila Press Club sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ni Dotr Asec for Special Concerns & I-ACT Task Force Chief retired Brigadier General Manuel Gonzales sinabing umabot na sa kabuuang 5,891 traffic violation tickets ang naisyu ng I-ACT sa mga pasaway na motorista simula nang mag-umpisa ang community quarantine hanggang nitong buwan ng Mayo 2021.

Ayon kay Asec Gonzales, nagpapatuloy ang kanilang isinasagawang operasyon partikular sa mga lugar sa CALABARZON dahil nananatiling limitado ang kapasidad at operasyon ng mga pampublikong transportasyon sa bansa habang nahaharap tayo sa pandemya.

Halos aabot sa 200 ang nahatak at na-impound na colorum na sasakyan sa impounding area ng I-ACT sa Magalang,Pampanga.

Paglilinaw ni Gonzales, nasa  P200,000 pisong multa ang bawat isang colorum na sasakyan at maaari lamang tubusin ito pagkalipas ng tatlong buwan pagkatapos na madala sa impounding area ng ahensya sa nabanggit na probinsiya.

Ang iba’t ibang operasyon ng I-ACT sa Metro Manila,CALABARZON at Region 3 ay nakasentro sa layuning mapigilan ang pagkalat ng virus at siguruhing maipatutupad ang minimum public health standard sa mga pampubliko at pribadong sasakyan.

Aniya, istriktong ipinatutupad ang 7 commandments ng I-ACT kabilang na rito ginagawang random public utility vehicles inspection upang tiyakin na nasusunod ang implementasyon ng health at safety protocols.

Iginiit ng opisyal na ang mga colorum na sasakyan ang isa sa mga nakikitang dahilan ng mabilis na pagkalat ng Covid-19 sa bansa dahil nakokompromiso aniya ang kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan partikular ang mga pasahero bunsod ng hindi pagtalima sa mga health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, social distancing,sobrang dami ng bilang ng mga sakay at iba pa.

Binubuo ng I-ACT ang kinatawan ng DOTR, LTFRB, LTO, Highway Patrol Group (HPG), MMDA, local government units (LGUs) traffic enforcers at DENR.