November 24, 2024

Anong dapat ninyong malaman? ESTRIKTONG PROTOCOLS SA ‘NCR+ BUBBLE’

ISINAILALIM sa mahigpit na general community quarantine ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal upang makontrol ang paglobo ng kaso ng coronavirus sa bansa.

Kaya inalam ng Agila ng Bayan ang dapat ninyong malaman patungkol sa dalawang linggo na GCQ bubble sa mga nabanggit na lugar mula Marso 22 hanggang Abril 4.

Ang GCQ bubbles ay naglalayong limitahan ang paglabas-masok ng publiko sa covered area maliban sa mga taong may pahintulot.

Walang travel restrictions within sa NCR, Cavite, Bulacan, Rizal at Laguna dahil ikinukunsidera ang mga ito na one bubble, NCR+.

Pinapayagan lamang bumiyahe sa ibang probinsiya kung ang biyahe ay essential at ang pinakamahalaga ay ang compliance sa LGU arrival requirement.

May mga checkpoints nang itinalaga ang Philippine National Police sa loob at labas ng mga boundaries.

Ang pinapayagan sa ngayon na pumasok ng Metro Manila ay ang mga essential workers lamang o yung mga authorized persons outside residence (APOR) kasama na dito ang mga delivery goods and services.

Ang mga hindi essential workers ay hindi maaaring makapasok ng Metro Manila.

Dalawang linggo ipatutupad ng PNP ang ganitong set-up kaya hindi puwedeng makalabas ang sinoman sa NCR maliban na lamang kung mayruong maipakitang ID na isa itong essential workers.

Apela ng PNP sa publiko na huwag nalang munang bumiyahe para magbakasyon at manatili na lamang sa bahay ngayong Semana Santa.

Nakadepende rin sa mga local chief executives kung anong mga pamamaraan na kanilang ipatutupad sa mga lumabag o violators. Paalala ng PNP may umiiral pa ring curfew hours kaya kung nais bumiyahe mula NCR patungong Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan dapat gawin ito sa umaga o hapon ng sa gayon hindi masita sa mga checkpoints.