November 23, 2024

AÑO: WALA NG NINJA COPS

SINABI ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na tinanggal na serbisyo ang mga ‘ninja cops’ o mga pulis na nagre-recyle ng ilegal na droga na naharap sa mga imbestigasyon sa Senado nitong mga nakalipas.

“Tuluy-tuloy yung kampanya natin sa pagsugpo, pagtanggal sa serbisyo at pagkakaso sa mga ninja cops. Yung mga controversial na mga ninja cops na pinag-usapan sa Senado, sa publiko, tanggal na sa serbisyo lahat ng mga yan. Nadismiss na natin yun,” ayon sa DILG chief.

Ipinangako niya na ipakukulong ang mga pulis na sangkot sa mga kriminal na aktibidades bilang bahagi ng internal cleansing program ng Philippine National Police.

“Mas dobleng galit natin kapag ganyan. Talagang gusto natin mabulok sa kulungan yung mga ganyang klaseng pulis. Makakaasa kayo na una natin tatargetin yan mga pulis na involve sa mga krimen.

Una nang sinabi ni PNP  chief Gen. Camilo Cascolan na mahigit sa 4,000 pulis ang tinanggal sa serbisyo bilang bahagi ng paglilnis sa hanay ng pulisya.

Samantala, nangako si Año na ilalatag ang bagong estratehiya para habulin ang mga kriminal matapos ipahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang bumili ng mga bagong motorsiklo upang magamit ng PNP upang tulungan na mabawasan ang krimen sa kalsada.

“Gagawa kami ng strategy. It would be a combination of uniformed and non-uniformed policemen just for that purpose. Lilinisin natin yung mga kalsada na yan ng masasamang loob,” saad ni Año sa isang panayam DZBB.

Inatasan aniya si Cascolan na isumite ang mga requirement para sa pagkuha ng bagong motorsiklo na magpapalakas sa kakayahan ng magigiting na kapulisan upang mapigilan at matugunan ang krimen sa kalsada.

“With the order of the President, nag-usap kami ni Gen. Cascolan. Sabi ko submit yung requirements nung motorsiklo pa na kailangan natin at ilang mga tao ang kailangan natin i-train. Ito yung mga special units na gagawin namin para maghabol lang ng mga criminals na gumagamit ng motorsiklo, mga nagka-carnap ng motorsiklo, mga nanghoholdap gamit yung motorsiklo,” wika niya.

Saad pa niya na sumailalim na sa pagsasanay ang mga miyembro ng Highway Patrol Group upang mapagbuti ang kanilang kakayahan na habulin ang mga kriminal.