Kaybilis lumipas ang mga araw. Tapos na ang taong 2020. Masasabing hindi naging maganda ang taong ito sa atin.
Samu’t saring mga pagsubok ang ating naranasan. Lalo na ang panliligalig dulot ng COVID-19.
Isama pa ang mga kalamidad, sunog, kawalan ng trabaho, pagtamlay ng ekonomiya. Ang masakit, nawalan ang iba ng mahal sa buhay dahil sa karamdaman.
Napilayan tayo at nasira ang momentum. Pinanghinaan ng loob. Gayunman, ito pa rin tayo, nananatiling nakatayo.
Salamat sa Diyos dahil buhay pa tayo at nakararaos. Katunayan, nakatawid tayo sa masalimuot na taong 2020.
Ang tanong, sa pagsapit ng taong 2021, ano kaya ang mangyayari sa atin? Pagggising natin bukas, 2021 na.
Naririyan pa rin ang pangamba. Sino ba ang nakaaalam ng mangyayari bawat bukas? Hiling natin, maging maayos sana ang darating na taon.
Panibagong pag-asa ito at pagsisimulang muli. Panibagong pagbangon. Ang dapat lang nating gawin, maging handa palagi.
Batid nating lalala pa ang mangyayari. Pero, harinawang hindi. Maging positibo tayo sa kabila ng lahat.
Kaya natin ito, mga kababayan. Umasa tayo at manalig sa Diyos. Hilingin nating lagi ang Kanyang tulong.
Sa gayun ay mapagtagumpayan natin ang lalo pang papabigat na hamon ng buhay.
More Stories
Elpidio R. Quirino, Guro to Pangulo
Pang. Carlos P. Garcia, Ama ng Kilusang Pilipino Muna
Hen. Antonio Luna, Dangal ng Lahing Pilipino